MANILA, Philippines — Upang mabigyang proteksyon ang buhay sa pagsabak sa bakbakan, pinaplano na ng Philippine National Police (PNP) na bumili ng karagdagang armor vests sa police operatives at bulletproof vest naman para sa Special Action Force (SAF) commandos sa bansa kaugnay ng anti-criminality at anti-illegal drugs campaign.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Gen. Debold Sinas upang mapalakas pa ang kapabilidad ng puwersa ng kapulisan.
Binigyang diin nito na ang mga armadong kriminal ay handa sa pagsabak sa mga police operatives kung saan modernong mga armas ang ginagamit ng mga ito kaya dapat lamang na magsuot ng armor vest ang mga pulis na sumasabak sa engkuwentro upang masagip ang kanilang buhay.
Inihalimbawa pa ni Sinas na isang police officer ang nasagip ang buhay ng suot nitong bulletproof vest nang pagbabarilin ng mga armadong kriminal.
Kapuri-puri anya ang kagitingan at katapangan ni P/Staff Sergeant Alex Tortogo Bayona, miyembro ng SAF na nakatalaga sa 94th Special Action Company na nasagip ng suot nitong Tactical Gear Front Hard Ballistic Plate vest ng makaengkwentro ang gun for hire at NPA rebel suspect sa Labo, Camarines Norte noong Disyembre 16.
Base sa assessment ni Dr. Harold Pocholo Mejia ng Camarines Norte Provincial Hospital, si Bayona ay nagtamo ng 2nd-degree burn sa kaliwang bahagi ng dibdib nang barilin ng suspect na si Jonel Alcanzo at kung hindi dahil sa suot nitong proteksyon ay malamang na nasawi sa insidente.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagpapagaling ang nasabing SAF trooper.