P15 milyong counterfeit goods, nakumpiska ng BOC-MICP
MANILA, Philippines — Nakasamsam ng P15 milyong counterfeit goods ang pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Manila International Container Port (MICP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang private warehouse sa Pajo, Meycauayan, Bulacan.
Armado ng Letter of Authority (LOA), na nilagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, nagtungo ang grupo sa naturang bodega kamakailan at nadiskubre ang nakaimbak na imported alcoholic beverages. Nadiskubre rin ang mga suspected counterfeit products gaya ng bags at iba pang food items.
Ayon sa BOC, ang mga indibidwal na sangkot ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 10863, o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), gayundin sa Intellectual Property Laws (IPL) para sa pag-angkat ng counterfeit products.
Nagbabala naman si MICP District Collector Romeo Allan Rosales laban sa mga tiwaling importers na tigilan ang pag-aangkat ng peke at counterfeit goods.
Binalaan din ni Rosales ang publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng goods, lalo na yaong ipinagbibili para sa human consumption, gaya ng food items at body products, dahil maaari itong magdulot ng masamang epekto sa katawan.
Ang MICP, na pinakamalaking Port ng bansa ay nananatiling committed sa pagsugpo sa smuggling at pagpasok ng peke at counterfeit goods, alinsunod sa kampanya ng Commissioner na palakasin pa ang border protection sa bansa.
- Latest