Ayaw mag-face shield, mask outdoors? 'Sumunod kayo, COVID-19 walang bakasyon' — DOH
MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Department of Health (DOH) ang desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na magsuot ng face shield bukod sa mask ang lahat ng nasa pampublikong lugar, Miyerkules, sa gitna ng kritisismo na hindi ito nire-require sa ibang bansa sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ino-obliga na kasi ng IATF-EID ang lahat magsuot ng parehong protective equipment sa buong Pilipinas sa tuwing lalabas ng bahay, bagay na parurusahan ng local government units (LGUs) at pulis kung susuwayin.
Basahin: Lalabas ng bahay? Bawal na walang face shield sa ibabaw ng mask, sabi ng IATF
"We are guided by science and evidence. 'Yung atin pong mga experts na mga siyentista... malinaw na sinasabi... na kapag gumamit ka ng face mask, face shield at physical distance na no less than one meter ay 99% ang protection o risk reduction sa [COVID-19]," paalala ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang media forum kanina.
"Pangalawa, 'wag ho tayo mapapagod kasi ang COVID-19 hindi po nagbabakasyon ang COVID-19 kahit na Kapaskuhan at kapag nagsalubong ang Bagong Taon."
Pinaghahandaan na kasi ng DOH ang biglaang "surge" ng COVID-19 cases ngayong Christmas at New Year sa bansa lalo na't inaasahan nila ang pagdami ng taong gugustuhing lumabas kasabay ng holiday season.
Inirereklamo ngayon ng ilan ang requirement ng parehong mask at shield tuwing lalabas sa publiko, bagay na "dagdag gastos" at hinihingi lang noon sa malls at ilang enclosed spaces gaya ng pampublikong transportasyon.
Hindi rin daw ipinatutupad sa ibayong-dagat ang face shield requirement, at isinalarawan pa bilang "ridiculous" ng ilang consumers nang maitanong ng ilang reporters.
Pero biro ng DOH official, hindi marunong matakot ang COVID-19 sa mga magpapaputok ng fire crackers sa ngayong Bagong Taon kung kaya't mas mainam pa ring sumunod sa minimum health standards.
"Kung pwede lang pong sumunod po tayo sa lahat [sa] mga panuntunan or guidelines and protocols ng Department of Health," dagdag pa ni Duque.
Umabot na sa 451,839 ang tinatamaan ng COVID-19 cases sa bansa, ayon sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan nitong Martes. Sa bilang na 'yan, 8,812 na ang patay. — James Relativo
- Latest