'Napwersa kami': CPP hindi makapagbaba ng ceasefire dahil sa atake ng gobyerno

Sa July 30, 2017 photo na ito, makikitang nakapormasyon ang gerilyang ito ng New People's Army (NPA) — isang armadong grupong pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) — sa kabundukan ng Sierra Madre
AFP/Noel Celis, File

MANILA, Philippines — Hindi gaya noong nakaraang taon, hindi makapagdedeklara ng tigil-putukan ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamamagitan ng armado nilang hukbo na New People's Army (NPA) ngayong Pasko at Bagong Taon, bagay na mahirap daw sa ngayon dahil sa papaigting na opensiba ng militar at kapulisan.

Inilabas ng Komite Sentral ng CPP ang pahayag, Miyerkules nang umaga, halos dalawang linggo matapos sabihin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila irerekomenda ang tigil-putukan laban sa CPP-NPA ngayong 2020 holiday season.

Basahin: AFP: Tigil-putukan vs NPA ngayong Pasko? Huwag na lang

"The Communist Party of the Philippines and all revolutionary forces extends its solidarity with the Filipino people as they mark their traditional year-end holidays as well as the upcoming 52nd anniversary of the CPP on December 26," ayon sa CPP kanina.

"The Duterte regime's relentless state terrorist attacks and horrific anticommunist onslaught against the people, however, make impossible a joyful holiday celebration this year."

Nangyayari ito ngayon kasabay ng sunud-sunod na pagpatay at pag-aresto hindi lang mga lider ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ngunit pati na rin sa mga ligal na aktibistang kumikilos sa lungsod nitong mga nagdaang buwan at taon.

Basahin: NDF-Mindanao official killed

May kinalaman: CHR: Arrests on Int'l Human Rights Day a 'cause for concern'

Ayon sa partido, na siyang namumuno sa pinakamahabang armadong paglaban sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, magiging mahirap para sa karaniwang Pilipino na makapahinga nang matiwasay ngayong Kapaskuhan lalo na't nagdurusa sila sa krisis pang-ekonomiya at kalusugan dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic at mga nagdaang sakuna.

Paratang pa ng grupo, tuwang-tuwa sa ngayon ang mga heneral ni Pangulong Rodrigo Duterte habang "namamasista" kasabay ng "pagbulsa" sa bilyun-bilyong pondo ng kontra-rebelyon at madugong gera war on drugs. 

Pinagsasamantalahan din aniya ng AFP ang mga nakaraang ceasefire para makapaglunsad ng opensiba laban sa NPA na nagsasagawa ng kampanyang pangkalusugan at iba pang serbisyo publiko, habang "binabastos" ang kostumbre at tradisyon ng taumbayan — bagay na ipinaparatang din ng kasundaluhan sa mga rebelde.

"Duterte has ignored appeals for a ceasefire to give the people even a temporary respite from the oppressive and disruptive presence of fascist troops in their communities, from the night-time barging in of armed soldiers into their homes, from the intimidation and threats to force the masses to 'surrender,' from the massacres, killings, abductions, arrests and torture, the bombings and the portending fly overs of drones," dagdag pa ng grupo.

"In the face of the vicious attacks by Duterte's military and police forces both in the cities and countryside, the CPP Central Committee is forced to dispense with the traditional holiday ceasefire this year."

Kasalukuyang inaatasan ng CPP ang NPA na "aktibong depensahan ang masa at kanilang sarili" sa gitna ng mga atake ng pamahalaan, kasama na ang mga "taktikal na opensiba" lalo na sa mga nagsasagawa daw ng extrajudicial killings at paglabag ng karapatang pantao.

Natataon ang ika-52 anibersaryo ng CPP sa ika-26 ng Disyembre, isang araw matapos ang araw ng Pasko sa ika-25 araw ng parehong buwan.

Tigil-putukan ayaw ng AFP

Ika-3 ng Disyembre nang sabihin ni AFP spokesperson Marine Major General Edgard Arevalo na hindi nila irerekomenda kay Duterte ang tigil-putukan ngayong holiday lalo na't wala aniyang sinseridad ang mga rebelde sa mga nagdaang taon.

"Many times in the past, the [Communist Terrorist Group] has shown it’s incapacity for sincerity and for being unfaithful to a covenant," ani Arevalo sa isang pahayag.

"This was the AFP’s painful experience where the CTG reneged from their own ceasefire declaration by attacking and killing soldiers on humanitarian and peace and development missions."

Giit nila, kahit na may mga unilateral ceasefire na ipinatutupad noon ang parehong panig, tuloy pa rin daw ang mga rebelde sa kanilang "pangingikil" at opensiba laban sa gobyerno — bagay na matagal nang itinatanggi ng CPP-NPA.

Show comments