MANILA, Philippines — Lalo pang umani ng suporta mula sa mga institusyon at grupo ang pagsusulong na agarang maipasa at maisabatas ang Department of Disaster Resilience (DDR) Act na kasalukuyang nakabimbin sa Senado.
Ayon kay 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng House Committee on Ways and Means, ang DDR ay itinuturing na pinakamalinaw na balangkas na tugon sa mga kalamidad na madalas na nanalasa sa bansa na pinatindi pa ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Salceda, may-akda ng DDR Bill sa Kamara, ang panukala ang magiging pangunahing ahensya ng pamahalaan na mangunguna, mangangasiwa at mag-uugnay-ugnay sa mga hakbangin at programa ng gobyerno para maiwasan, mapaghandaan saka mapagaan ang dagok ng mga kalamidad.
Sa pamamagitan din ng nasabing panukalang batas ay maisusulong din na makabangon ang mga naapektuhan ng trahedya habang patuloy rin na maisulong ang progreso ng bayan at lipunan. Kabilang sa mga grupong sumuporta sa paglikha ng DDR ang University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), Greenpeace Philippines at ang Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD).
Nakiisa rin ang mga ito sa Kamara upang isulong na sadyang kailangan na ang pagpapatupad ng mabisang mga panuntunang inisyatibong tugon sa“disaster and climate emergency” sa bansa.