MANILA, Philippines — Isinulong ni Sen. Lito Lapid ang panukalang pagtanimin ng 10 puno ang lahat ng mga motor dealers at retailers sa bawat mabebentang sasakyan.
Sa Senate Bill 1936 na inihain ni Lapid, nais nitong gawing mandatory ang tree planting at dapat maisagawa sa loob ng anim na buwan buhat sa sales transaction o maibigay ang official receipt sa buyer ng sasakyan.
Ipinaliwanag ni Lapid na nakasaad sa Konstitusyon na katungkulan ng estado na protektahan at isulong ang karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng balanse at malusog na ekolohiya.
Ipinunto rin ni Lapid na sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo katulad ng Quinta, Rolly at Ulysses, napatunayan ang kahalagahan nang pangangalaga sa kalikasan.
Naniniwala si Lapid na mas magkakaroon ng proteksiyon ang mga mamamayan tuwing may darating na bagyo at baha kung madaragdagan ang mga punong kahoy sa bansa.
Panahon na aniya na magkaroon ng konkretong hakbang at polisiya ang gobyerno para matugunan ang problemang dulot ng malalakas na bagyo at baha.
Kapag naging batas, ang Department of Trade and Industry ang aatasan na magmonitor na nasusunod ang pagtatanim ng mga punong kahoy.
Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) naman ang tutukoy ng lokasyon at kung anong klase ng punongkahoy ang dapat itanim.