MANILA, Philippines — Pormal nang ikinakampanya ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tuluyang pagbabawal sa paggamit ng karaoke o videoke ngayong holiday season kontra coronavirus disease (COVID-19) — kaso magkaiba sila ng "tono" ng tagapagsalita ng parehong ahensya.
Ayon kasi kay DILG Secretary Eduardo Año sa panayam ng CNN Philippines, Huwebes, dapat muna itong ipagbawal dahil sa hawaan ng COVID-19. Iba 'yan sa sabi ni Interior spokesperson Jonathan Malaya kanina na "okey lang ito" basta't dalawa hanggang tatlo lang ang aawit sa bahay.
Related Stories
"We are enjoining the [local chief executives] or [local government units] na ipagbawal din ang karaoke singing. Kasi it's just like caroling, it's a mass gathering," ani Año.
"And people will remove [their] mask[s] and they will sing at the top of their voice. I-expect natin na magkakaroon talaga ng pagtaas ng numero ngayong Christmas season or immediately after the Christmas season."
Ayon kay Año, nakagisnan na ng mga Pilipino na ginagawa ang karaoke sessions sa mga bakuran, garahe at pampublikong lugar. Kasalukuyang ipinagbabawal ang operasyon ng mga karaoke bars simula nang ipataw ang community quarantine laban sa pandemya.
Aniya, kapag nagkantahan na at uminom ng alak ang kumakanta ay magtatanggal na ng mask ang may hawak ng mic, delikado ito lalo na kung bibirit.
Ano bang sabi ng siyensya?
Ayon sa pag-aaral ng Aerosol Science and Technology Journal, matindi makapanghawa ng COVID-19 ang pagkanta nang malakas kumpara sa normal na paghinga at pagsasalita.
Ang pananaw na 'yan ay suportado ni Health Secretary Francisco Duque III.
"Kung tayo ay nagsasalita, meron pa tayong nae-emit na respiratory droplets. Mas marami ito kung tayo ay kumakanta o sumisigaw kaya po inirerekomenda namin na iwasan muna ang pagka-karaoke," ani Duque.
"According to a recent study published in the Aerosol Science and Technology Journal, loud singing increases viral particle spread by 448% compared to normal talking."
Dagdag ni Año, naglalabas ng 200 "viral particles" ang normal napaghinga. Nasa 1,000 viral particles lang daw ang kailangan para maipasa ang virus ng COVID-19.
"In 5 minutes, mai-infect mo na 'yung kung sinumang kaharap mo," sabi ni Año.
"Ang nangyayari diyan, pasahan ng mic. Hindi naman 'yan kanya-kanyang mic. Pagkatapos wala nang disinfection, kakanta na rin yan. And then magcho-chorus pa sila."
Ani Año, magandang magsakripisyo muna ngayong 2020 para hindi magkahawaan. Sa susunod na Pasko naman daw ay malamang na may bakuna na laban sa COVID-19, dahilan para pwede nang magluwag ng protocols.
Basta limitado, ayos lang?
Bagama't nakikiusap na 'wag na lang mag-videoke, sinabi naman ni Malaya na wala namang problema magkantahan sa bahay basta kakaonti lang ang lalahok.
"We highly discourage iyong public karaoke. Pero kung kayo po ay dalawa o tatlo sa loob ng iyong bahay at kayo ay magkakaroke sa loob ng inyong tahanan ay sa tingin po namin ay wala naman pong masama diyan," sabi niya sa Laging Handa briefing.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung alam na nina Año at Malaya na magkaiba ang kanilang pahayag, kahit nagtratrabaho lang sila sa iisang tanggapan.
Kasalukuyang nasa 444,164 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling tala ng DOH nitong Miyerkules. Sa bilang na 'yan, 8,677 na ang patay.