MANILA, Philippines — Gumawa rin ng kasaysayan ang isang Filipina nurse na kauna-unahang nagbigay ng COVID-19 vaccine sa isang 90-taong gulang na lolang British sa United Kingdom.
Pinuri ni British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce si Pinay nurse May Parsons sa matagumpay na pag-ineksyon ng bakuna mula sa Pfizer kay Margaret Keenan.
“A fantastic moment! And great to see that the vaccine is administered by Nurse May Parsons from the Philippines - one of the many thousands of Filipino healthcare workers making such an enormous contribution to the #NHS,” laman ng Twitter post ni Pruce.
Pinasalamatan din ng diplomat ang mga Filipino medical frontliners sa UK dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa National Health Service (NHS) ng naturang bansa.
Sa hiwalay na tweet, pinuri rin ng British personality na si Piers Morgan si Parsons na nagtatrabaho sa NHS sa loob ng 24 taon.
Ang UK ang kauna-unahang bansa na nagsagawa ng pagbakuna sa kanilang mga mamamayan nitong Martes gamit ang bakuna ng Pfizer at BioNTech.