Pagkanta sa karaoke sa Pasko, New Year iwasan – DOH
MANILA, Philippines — Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga Pilipino na iwasan muna ang “karaoke/videoke party” upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa pagpasok ng 2021.
“Kung tayo ay nagsasalita, meron pa tayong nae-emit na respiratory droplets. Mas marami ito kung tayo ay kumakanta o sumisigaw kaya po inirerekomenda namin na iwasan muna ang pagka-karaoke.
According to a recent study published in the Aerosol Science and Technology Journal, loud singing increases viral particle spread by 448% compared to normal talking,” paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque.
Ayon pa kay Duque, mas magiging makahulugan ang pagdiriwang ng Pasko kung gugugulin ito kasama ang pamilya at makikinig na lamang ng mga awiting Pamasko sa radyo at iba pang online music platforms sa halip na magkantahan sa videoke.
Nanawagan rin si Duque sa lahat ng mga alkalde na istriktong ipatupad ang minimum public health standards sa kanilang mga lokalidad, gaya nang pagsusuot ng face masks at face shields, regular na paghuhugas ng kamay, at pag-obserba ng isang metrong distansiya sa isa’t isa upang maiwasan ang paghahawahan ng COVID-19.
- Latest