Kilalanin: Unang 25-M Pinoy na tuturukan ng COVID-19 vaccine ayon sa sektor
MANILA, Philippines — Isinapubliko na ng Malacañang ang espisipikong mga bilang ng taong mabibigyan ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), bagay na kanilang inihati-hati depende sa sektor na kinabibilangan.
May dalawang magkaibang uri ng pagpraprayoridad pagdating sa pagpapaturok: ang "geographical" at "sectoral" priorities, bagay na inilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque.
"Ngayong malapit na po ang bakuna... uunahin nating bigyan ng COVID-19 vaccine ang mga lugar na maraming kaso ng COVID-19 tulad ng Metro Manila, Metro Cebu at Davao. Ito po ang geographical priorities," ani Roque, Lunes, sa isang briefing.
"Pero sa huling pagpupulong po, inilinaw po natin at binigyan ng depenisyon kung ano 'yung tinatawag na sectoral priorities, [kung] sinu-sino ang nasa prayoridad na mabibigyan ng bakuna laban sa coronavirus."
Narito ang "top 5 priority" sectors at bilang ng populasyon na bibigyan nito kada grupo:
Inilabas na ng Palasyo, Lunes, ang listahan ng mahigit-kumulang 25-M Pinoy na unang bibigyan ng COVID-19 vaccine ayon sa sektor.
— James Relativo (@james_relativo) December 7, 2020
Pangunahin dito ay ang mga manggagawang pangkalusugan, senior citizens atbp. @PhilstarNews @PilStarNgayon pic.twitter.com/KNKb8KN7rm
Sinabi ito ni Roque matapos umabot sa 439,834 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH) noong Linggo. Sa bilang na 'yan, 8,554 na ang patay.
"Ang una sa listahan po ay ang ating mga frontline health workers. Obviously po, kinakailangan bigyan na sila ng bakuna nang magampanan nila ang kanilang katungkulan nang walang pag-aatubili," patuloy ng tagapagsalita ni pangulong Rodrigo Duterte.
"Sila ang nangunguna sa ating laban sa COVID-19, natural lamang na sila ang mabigyan natin ng proteksyon laban sa virus."
Kasama sa numero unong prayoridad ang mga nagtratrabaho sa mga pampubliko at pribadong health facilities, ospital, contact tracers ng mga local government units (LGUs), barangay health workers atbp.
Ikalawa naman ay ang mga "indigent" o mahihirap na populasyon na edad 60-anyos pataas (senior citizens). Matapos sila bigyan, third priority ang nalalabing seniors.
Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) at Centers for US Disease Control and Prevention (CDC) na mas malaki ang tiyansang isugod sa ospital o mamatay ang mga nakatatanda dahil sa "severe illness" dulot ng SARS-CoV-2 — ang virus na nagdadala ng COVID-19.
"Ang sumatutal ng numero na bibigyan ng prayoridad ay 24,668,128. Ang ating oorderin [na bakuna] ay [para sa] 30 million individuals o 60 million dosage," saad pa ni Roque.
Kanina lang nang sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na handa ang buong kasapian ng DOH na unang maturukan ng COVID-19 vaccines upang mapawi ang takot ng marami sa posibleng negatibong epekto nito, habang idinidiin na dadaan muna ito sa masusing pagsusuri bago igulong.
Sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), 66% lang ng mga Pilipino ang payag na mabakunahan laban sa nakamamatay na virus oras na lumapag ang mga gamot sa bansa.
- Latest