Kongresista ‘di dapat mauna sa bakuna
Walang special treatment:
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Preventive Education and Health Reform Advocate Dr. Anthony Leachon ang pamunuan at mga miyembro ng Kongreso na dapat maunang sumunod sila sa ‘vaccination plan’ ng pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Leachon makaraan ang pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na ipaprayoridad sa mass vaccination ang 8,000 mambabatas at kawani ng Mababang Kapulungan sa oras na maging handa na ang bakuna laban sa COVID-19.
Iginiit ni Leachon na ang ganitong mga pronouncement na mauuna sila o prayoridad agad sila sa bakuna ay maaaring magdulot ng kaguluhan at tiyak umanong mababatikos lalo at limitado lamang ang inisyal na dating ng bakuna at kailangan ibigay ito sa mga nasa priority list.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni House Secretary General Dong Mendoza na hindi problema ang pagpondo sa COVID 19 vaccine dahil prayoridad ito ni Speaker Velasco at nagkaroon na ng inisyal na pag-uusap kay Vaccination Czar Secretary Charlie Galvez.
Ito’y matapos magkaroon ng 98 confirmed cases ng COVID-19 sa Kamara na kinabibilangan ng ilang mambabatas at empleyado mula Nobyembre 10-20 na hindi naireport agad sa local health authorities kaya ngayon pa lamang nagsasagawa ng contact tracing.
Kahit na may sapat na pondo, iginiit ni Leachon na dapat pa ring mag-aplay ang mga mambabatas sa priority list dahil ang ‘vaccination plan’ ng pamahalaan ang dapat na masunod.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na prayoridad sa vaccination ang mga frontliners mula sa pribado at pampublikong sektor, mga senior citizens, mga mahihirap, at mga unipormado tulad ng pulis at military.
Nilinaw naman ni Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal, Director ng Bureau of International Health Cooperation ng DoH na hindi magiging palakasan at kung sino ang makapangyarihan ang mauuna sa bakuna kundi kung sino ang vulnerable sector.
- Latest