MANILA, Philippines — Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at iba pang grupo ng pesante ang tangkang pag-aresto ng Philippine National Police (PNP) at "pagsalakay" diumano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bahay ng isang kilalang lider-aktibista sa cagayan Valley — maliban pa sa diumano'y pagtatanim ng ebidensya sa akusado.
Sa pahayag ng KMP, Miyerkules nang 12 a.m. nang puntahan ng pinagsamang elemento ng kasundaluhan at pulis ang bahay ni Isabelo "Buting" Adviento, coordinator ng Anakpawis party-list Cagayan Valley sa Barangay Carupian, Baggao, probinsya ng Cagayan.
"As Cagayan Valley farmers continue to face the consequences of flooded crops and homes, soldiers find the time to harass and arbitrarily arrest Adviento," ayon kay Danilo Ramos, chairperson ng KMP.
"This fascist act occurring amid a health crisis and right after a disaster is the height of inhumanity and just goes to show the ill effects of red-tagging."
Bandang 3:30 a.m. nang sirain diumano ng mga sundalo ang gate nina Adviento para pasukin ang kanyang bahay, ayon sa KARAPATAN Cagayan Valley.
Paratang ni Lina Adviento, misis ni Isabelo, nahuli niya pa niyang "nagtatanim" ng baril at granada ang mga naturang sundalo sa kanilang sala.
Matapos ang dalawang oras, dumating naman ang PNP dala ang isang "search warrant" — bagay na kinumpirma ni Brig. Gen. Crizaldo Nieves, regional director ng Police Regional Office 2, sa panayam ng PSN ngayong araw.
"[T]he case is still being prepared by the operating units on violation of [Republic Act] 10591 [or] illegal possession of firearms and explosives," sabi ni Nieves.
Pinuno ng grupong Danggayan, isang regional chapter ng KMP, matagal na diumano biktima ng red-tagging, harassment at paniniktik ng gobyerno si Adviento.
Nangyari ang pagsalakay ilang oras pa lang matapos ang ikatlong pagdinig ng Senado sa isyu ng red-tagging sa mga progresibong party-lists sa Kamara.
Hindi nadatnan sa bahay
Bagama't hinainan ng search warrant ng PNP, hindi naaresto ang nasabing militante: "[B]ase sa report, wala sa bahay si Mr. Adviento kaya more likely it will be filed in court as regular case," patuloy ni Nieves.
Sa kabila nito, pinosasan naman daw sa eksena ang isang Richard Dagohoy, miyembro ng Baggao Farmers Association, ayon sa KARAPATAN.
Sinasabing abala si Adviento sa pagkokoordina ang relief missions sa probinsya ng Cagayan, na labis binaha ng nakaraang bagyong Ulysses.
"Eto po ako araw-araw tumutulong namimigay ng relief sa mga kababayan nating [naapektuhan] sa matindibg pagbaha dito sa ating lalawigan tapos tiniman nila ako ng ebedensya para huliin," paliwanag ni Adviento kanina sa Facebook.
"Hindi ako terorista, lihitimo ang aming dala-dalang panawagan. Tunay na repormang agyaro, lupa pagkain disenteng tirahan , ayuda ang sigaw namin. [A]ng hawak-hawak namin ay placard, petisyon, papel at bolpen, hindi kami humahawak bg baril."
Eto po ako araw araw tumutulong namimigay ng relief sa mga kababayan nating naapejtuhan sa matindibg pagbaha dito sa atibg lalawigan tapos tiniman nila ako ng ebedensya para huliin.
Posted by Isabelo Adviento on Tuesday, December 1, 2020
Itigil ang pananakot at paglalagay bg nga enedensya . Hidi ako terorista, lujitimo ang aming daladalang pnawagan tunay...
Posted by Isabelo Adviento on Tuesday, December 1, 2020
PNP sinagot mga paratang
Tiniyak naman ng PNP na maaaring umapela ang panig nina Adviento hinggil sa mga paratang ng pagtatanim ng ebidensya.
Ipinasisilip na rin daw ni Nieves ang mga paratang ng misis ni Isabelo.
"They can counter/contest the service of warrant in proper forum or court should there be irregularity," ani Nieves.
"There are witnesses during the conduct of search and it is mandatory that the owner or one of the resident or any Barangay officials should witness the orderly conduct of [search] warrant."
Kinastigo naman ng hustong KMP ang aksyon ng PNP at AFP sa nasabing attempted arrest, lalo na't nag-aaksaya raw ng reskurso ang gobyerno gayong maaaring inilaan na lang daw ito sa pagtugon sa kalamidad.
Hinamon din nila ang Senado na tutukan pa lalo ang isyu ng mamamayan at tuluyang sapulin ang isyu ng armadong tunggalian sa kanayunan.
"We condemn the AFP, who has wasted public funds and resources, much needed by disaster-stricken Filipinos, into terrorizing the rural poor," ani Ramos.
"We condemn the NTF-ELCAC who has relentlessly maligned KMP and its chapters with their baseless lies and theatrics. We condemn President Duterte, now acting as the red-tagger-in-chief for leading the attacks against progressive people's organizations he has unjustly tagged as state enemies."