MANILA, Philippines — May 1,200 pamilya sa Rodriguez, Rizal na biktima ng bagyong Ulysses ang tumanggap kamakailan ng mga tulong mula sa BayaNihao Relief Team na inorganisa ng isang grupo ng mga Filipino at Chinese friends.
Nakipag-ugnayan ang mga Filipino-Chinese donors, friends at volunteers sa Philippine Air Force Reserve Force at mga opisyal ng pamahalaang lokal para mamahagi ng dalawang trak ng mga tubig, food pack, face mask at alcohol sa mga sinalanta ng bagyo.
Bahagi ito ng mga donasyong kinolekta ng BayaNiHao mula sa iba’t ibang Filipino at Chinese group at bahagi pa ng isinasagawa nilang relief operations sa Marikina, Rizal, Batangas, Quezon, Bicol at Cagayan na hinagupit ni Ulysses.
Kabilang sa mga nagbigay ng donasyong umabot sa kabuuang P1.5 milyon ang Association of Filipino Chinese entrepreneurs, China companies tulad ng China Harbor and Fiberhome, at education groups tulad ng IDSI Center at Philippine Studies Center of Jinan University.
Nauna nang nagsisikap ang ibang mga Chinese-Filipino group sa buong bansa na makatulong sa mga nangangailangan tulad ng pagkakaloob ng bilyong halaga ng mga medical supply, face mask at test kit sa panahon ng pandemya at patuloy na lumalaki ang ayuda ng Filipino-Chinese community na isang testament ng marami nang siglo ng mapagkaibigan at produktibong relasyon ng Pilipinas at China.