MANILA, Philippines — Bumagsak sa 20 percent o may halagang P15.36 ang presyo ng kada kilo ng farm gate dry palay mula sa dating P19.18 per kilo noong Mayo sa panahong dumanas ng epekto ang mga magsasaka ng pananalasa ng nagdaang mga bagyo sa kanilang mga pataniman ng palay.
Ayon kay Agriculture spokesman Noel Reyes, ang pagbaba ng farm gate price ng palay ay dulot ng harvest season na nagtapos sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre.
“An average price of P15.36 is not bad. That is the law of demand and supply,” pahayag ni Reyes.
Anya, karaniwan na tuwing harvest season ng Oktubre ay mababa ang halaga ng farm gate ng palay lalo pa’t dumaan sa bagyo ang mga pataniman na karamihan sa palay ay hindi gaanong natuyo kayat mura itong naibenta sa mga negosyante.
Sinasabing sa Bulacan, Zamboanga City, at Bukidnon, ang presyo ng palay ay bumaba sa P11 per kilo at sa Cavite at Negros Occidental ay bumaba sa P11.78 kada kilo.
Tanging sa Palawan, Nueva Ecija, Southern Leyte, at Zamboanga Sibugay ay nagawang maibenta ang palay ng P20 hanggang P21 kada kilo.
Una rito, nanawagan si Reyes sa mga palay farmers na ibenta ang kanilang ani na palay sa National Food Authority (NFA) para makaiwas sa mababang halaga ng palay na binibili ng mga palay traders.