MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Department of Health (DOH) sa publiko na hindi sasapat ang pagsusuot lamang ng face masks at shields para makaiwas sa COVID-19 kung makikipagsiksikan naman sa mga matataong lugar.
Kaugnay ito ng mga larawan ng siksikang mga tao sa Divisoria sa May-nila na tila hindi alintana ang panganib ng virus.
Kung maaari umano ay iwasan ang mga kahalintulad na lugar, ipatupad ang physical distancing at alalahanin ang sariling kalusugan maging ang kanilang uuwian na pamilya.
Umapela rin ang DOH sa mga evacuees na nananatili sa mga evacuation centers at mga opisyal ng pamahalaan na iwasan ang pisikal na kontak sa isa’t isa bilang bahagi ng pag-iingat sa pagkalat ng virus.
Nauunawaan umano ng ahensya ang kasabikan ng mga biktima ng bagyo na makadaupang-palad ang mga opisyal ng gobyerno at makapagpasalamat sa mga tulong ngunit dapat munang iwasan ito dahil sa nananatili ang panganib ng virus.
Dapat iwasan ang pa-kikipagkamay, pagyakap, beso at iba pang pisikal na kontak at panatilihin pa rin ang physical distancing sa isa’t isa habang nag-uusap.