MANILA, Philippines — Aabot na sa 320,000 OFWs ang napauwi makaraang maapektuhan ng pandemya ang kani-kanilang mga hanapbuhay.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na ngayong buwan ay may 38,516 OFWs ang nakalapag na ng Pilipinas at napauwi sa kanilang mga bayan o probinsya sakay ng mga bus o eroplano.
Ito ay makaraan na sagutin din ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang gastos sa tinuluyang mga hotel at pagkain ng mga OFWs habang naghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 tests bago mapauwi sa kanilang mga tahanan.
Pinayuhan din ng DOLE sa pamamagitan ng Institute for Labor Studies (ILS) ang mga OFWs na apektado ng pandemya na pumasok sa ‘virtual jobs’ bilang alternatibong trabaho ngayon.
Sinabi ni Ann Kristine Peñaredondo, ng ILS, na maaaring kumita rin ng sapat sa pamamagitan ng virtual jobs habang nasa loob ng bahay kung saan ligtas sa pangamba na mahawahan ng virus.
Kabilang sa mga trabaho ng mga kuwalipikadong OFWs ang pagiging writers, accountants, bloggers, advertisers, bookkeepers, coders, software engineers, illustrators, viodegraphers o kaya naman ay magtayo ng sariling negosyo.