P5 bilyong dagdag sa calamity funds sa 2021

MANILA, Philippines — Inirerekomenda na ng Kamara ang karagdagang P5 bilyong calamity fund sa susunod na taon para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng nagdaang mga bagyo.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, ang nasabing panukala ay isusumite na bicameral conference committee deliberations na kasama sa P4.5-trillion national budget sa susunod na taon.

Nabatid na inaprubahan ng Kamara ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) bago pa man manalasa ang bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa bansa.

Ilang bahagi ng P5 billion ay mapupunta sa reconstruction ng Marawi City habang ang P6.25 bilyon ay magsisilbing augmentation para sa anim na ahensiya na kinabibilangan ng Department of Education (P2 billion); Department of Social Welfare and Development (P1.25 billion); Department of Agriculture (P1 billion); Department of Public Works and Highways (P1 billion) Department of Health (P500 million); at Department of National Defense - Office of Civil Defense (P500 million).

Sabi ni Velasco, marami ang nawasak at nangangailangan ng rehabilitasyon.

Maging si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte ay umaapela ng mas malaking budget para sa rehabilitasyon ng Bicol upang makabangon ang mga nasalanta at naapektuhan ng bagyong Rolly.

Show comments