MANILA, Philippines — Hinamon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon si CPP-NPA founder Jose Maria Sison na patunayang wala siyang kinalaman sa Inopacan massacre na nangyari may 30 taon na ang nakalilipas.
Si Esperon ang ika-29 at huling testigo sa murder case ni Sison at mga kasamahan nito kaugnay ng Inopacan massacre.
Noong Agosto 28, 2006, natuklasan ng mga nagpapatrulyang sundalo ang isang mass grave sa Mt. Sapang Dako Inopacan, Leyte. May 103 labi ang nakita dito ngunit 15 ang nakilala ng kanilang kamag-anak at dating kasama sa kilusan.
Naghain ng kaso si Esperon, na noo’y AFP chief laban kay Sison, asawa nito at 36 iba pa. Sila ngayon ay nahaharap sa 15 counts ng murder sa local court.
Ayon kay Esperon, ang Inopacan massacre ay bahagi ng madugong pagkilos ng CPP-NPA laban sa mga kasamahan na diumano’y nagbibigay ng impormasyon sa pamahalaan.
Sa ngayon, isinusulong ni Esperon bilang vice chairman ng National Task Force- End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang pagpapaunlad ng mga barangay sa ilalim ng Barangay Development Program para mapabuti ang kalagayan ng mga tao at tuluyan ng alisin ang mga NPA.