COVID-19 cases sa Pilipinas 413,430 na; patay lumobo sa 7,998

Habangnaka-face mask, nagmomotorsiklo ang lalaking ito sa maputik na kalsada ng Marikina City ilang araw matapos malubog sa baha ng nagdaang bagyong "Ulysses," ika-13 ng Nobyembre, 2020
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Parami pa rin nang parami ang bilang ng dinadapuan ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong ika-19 ng Nobyembre sa pagpapatuloy ng ika-36 na linggo ng community quarantine laban sa worldwide pandemic.

Nakapagtala pa kasi ng karagdagang 413,430 kaso ang Department of Health (DOH), dahilan para sumabit na ito sa 413,430 ngayong Huwebes.

Sa kabila ng maliit-liit na bilang ng bagong kaso, 11 na laboratoryo pa ang hindi nakapagsumite ng kanilang mga datos noong Miyerkules.

Kaugnay niyan, natagpuan naman ang sariwang pinakamaraming COVID-19 cases sa mga sumusunod na lugar:

  • Lungsod ng Davao (110)
  • Laguna (74)
  • Lungsod ng Quezon (66)
  • Batangas (54)
  • Lungsod ng Maynila (53)

Nasa 30,493 naman sa ngayon ang mga nananatiling aktibong kaso, bagay na kumakatawan sa mga COVID-19 patients na hindi pa gumagaling o namamatay sa kasalukuyan.

Sa ngayon, patay na mula sa nasabing pathogen ang 7,998 katao. Mas marami ito ng 41 kumpara sa mga bilang na inilabas ng DOH kahapon.

Gayunpaman, 286 naman ang sinasabing new recoveries kaugnay ng karamdaman. Sumatutal, umabot na sa 374,939 ang gumagaling sa COVID-19 sa bansa.

Tinanggal naman na mula sa total case count ang apat na duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang tatlo sa kanila ay gumaling na.

Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng 10 katao mula sa COVID-19.

Saliva tests hindi magamit ng Red Cross

Samantala, inilantad naman ni Philippine Red Cross (PRC) chairperson Richard Gordon, na isa ring senador, na hindi pa rin sila binibigyan ng otorisasyon ng pamahalaan na magamit ang kanilang mga COVID-19 tests na gagamitan lamang ng laway.

Ito ay kahit na "mas mabilis" at "mas mura" raw ito, pahayag ng senador kanina.

"Nag submit kami dyan almost three months ago, pero sa health assessment I think a month and a one week na. Pero sabi sa akin nandoon na kay [Health] Secretary [Francisco] Duque," ani Gordon sa ulat ng ABS-CBN.

"Tama lang na mag-ingat pero sana konting bilis. Kung babagalan nila, ‘di natin matetest ang mga tao nang mas mabilis at mas mura."

Ginagamit na ang nasabing pamamaraan sa mga bansa gaya ng Singapore, Hong Kong, Thailand at Japan.

Nakuha raw nila ito matapos makipag-ugnayan ng PRC sa University of Illinois, na siyang gumawa raw ng mga nasabing tests. Kasalukuyang gumagawa ng "validation test" ang UP College of Medicine pagdating sa nasabing pagsusuri.

Umabot na sa halos 55.32 milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ngayon sa mundo, ayon sa pinakabagong tala ng World Health Organization (WHO). Nasa 1.33 milyon naman sa kanila ang minalas na nasawi habang nakikipagbuno sa virus.

Show comments