Duterte: Nasaan ako noong 'Ulysses'? Night person ako pero gising para sa ASEAN Summit

MANILA, Philippines — Galit na pinasinungalingan ni Pangulong Rodrigo Duterte, Martes, na "tutulog-tulog" lang siya sa kasagsagan ng Typhoon Ulysses — bagay na kumitil sa buhay ng 73 katao.

Matatandaang trending ang #NasaanAngPangulo sa social media noong bagyo dahil hindi mahagilap si Digong ayon sa mga kritiko — panahong lubog ang Cagayan at Marikina sa baha.

Basahin: 'Ulysses' death toll reaches 73

May kinalaman: Palace tells critics to dump #NasaanAngPangulo

"Gusto ninyong ipalabas natutulog [ako]. Kung ordinary times, walang emergency, walang typhoon, I told you right in the beginning of my term, I am a night person. My day starts at 2 o’clock in Malacañan," wika ni Duterte.

"Ngayon kung sabihin mo may emergency, natutulog ako sa umaga, hindi ako natulog noon. Gising ako ng umaga because of the [ASEAN] summit. At same time, I would go and whisper to the military guys in the room of how — how [the storm was] developing."

Dagdag niya, hindi na niya kailangang utusan ng tutok na tutok ang militar at mga ahensya ng gobyerno sa kalagitnaan ng bagyo dahil dalawang araw pa lang bago ang sakuna ay "naka-deploy" na sila roon.

Kalahati pa nga raw ng security ng presidente ang kinuha ng mga sundalo bilang paghahanda sa bagyo.

Hindi naman naiwasan ng presidente na banatan si Bise Presidente Leni Robredo, na pinagbintangan niyang pinanggalingan ng tsismis na tulog lang siya.

'Yan ay kahit walang sinasabi si Robredo — sa anumang interview o statement — na tulog lang si Duterte noon.

"Hindi ako nagtutulog. Ganito ‘yan, ganito ‘yan, Vice President, makinig ka ha, hindi kasi — kasi siguro nakinig noon eh," dagdag pa ni Digong.

Tila nagalit naman si Duterte sa pakikipag-ugnayan ni Robredo sa mga sundalo't pulis habang bumabagyo at nasa ASEAN Summit siya, sa dahilang "wala siya sa line of authority."

Noong ika-13 ng Nobyembre kasi ng gabi, matatandaang idineploy ni Robredo ang kanyang security team para i-coordinate sa Armed Forces of the Philippines ang lahat ng rescue calls.

"While you were making calls, nagche-check ka pakunwari... Alam mo ‘yung mga military hindi ‘yan maniwala sa iyo because tama sila you are not in the line of authority basta ganun... Times of emergency, ako lang pati ang military. It’s between me and military pagka pulis. Iyan lang sila kami mag-ano," sambit pa niya.

Karamihan sa mga namatay at nanggaling sa Cagayan Valley (Region II) sa bilang na 24, kung saan napilitang umakyat ng bubong ang mga tao nangmagpakawala ng tubig ang Magat Dam.

Nasa 24 pa rin ang sugatan sa ngayon habang 19 pa ang nawawalang residente matapos ang typhoon.

Robredo: Huwag pikon sa kritiko

Pinayuhan naman ng ikalawang pangulo ang head of state na easyhan lang ang mga reaksyon sa mga natatanggap na batikos — bagay na hindi raw nararapat sa nakaupo sa poder.

"Para sa akin dapat kasi hindi tayo balat sibuyas sa ganyan kasi traditionally naman kung sino 'yung nakaupo, marami talagang reklamo 'yung tao," wika ni Robredo sa ulat ng The STAR, Miyerkules.

Hindi rin daw panahon ng pag-aaway-away ngayon ng oposisyon at administrasyon ngayon lalo na't dapat nagtutulungan ang lahat sa panahon ng sakuna. 

Binanatan din ni Robredo ang nagpapakalat ng balitang siya ang pinagmulan ng #NasaanAngPangulo trend, lalo na't wala raw siyang inuusal na ganyan.

"I am also calling out whoever peddled the fake news to the president that is why he is this easily angered. I never said 'Where is the President'? You can review all my tweets," sabi niya.

"Ang dami nang peddlers ng fake news, huwag na nila dagdagan."

Show comments