MANILA, Philippines — Minaliit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang gagawing imbestigasyon ng Kamara sa nangyaring massive flooding sa Cagayan at Isabela na tinawag nitong isang band-aid solution na walang kahihinatnan.
Ayon kay KMP President Danilo Ramos, tanging ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sakop ng gagawing imbestigasyon at hindi kasama ang pag-iimbestiga sa illegal at legal logging at illegal mining operations.
Sabi ni Ramos, kung nais ng mga mambabatas na masolusyunan ang problema at hindi na maulit sa hinaharap ang sinapit sa bagyong Ulysses ay kumprehensibong investigation in aid of legislation ang dapat nitong gawin.
Una nang naghain ng House Resolution 1348 sina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano para imbestigahan ang massive flooding ni Ulysses na ikinasawi na ng 73 katao habang bilyong piso ng ari-arian at imprastraktura ang nasira.
Giit ng KMP, ang tanging nakapaloob lamang sa 2 pahinang resolusyon ng Kamara ay ang pag-iimbestiga sa National Irrigation Administration (NIA) na aalamin kung nasunod nito ang tamang protocol sa desisyon nitong buksan ang spillway gates ng Magat Dam subalit wala itong banggit ukol sa mining at logging operations.
Ani Ramos, ang pagpapatigil sa mining operations at pagsasampa ng kaso sa mga ito ang dapat na resolbahin at imbestigahan ng Kamara.
Nanindigan din si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na ang tuluyang pagpapasara ng mga large scale destructive mining operations at pagpapahinto sa kontraksyon ng Kaliwa Dam ang dapat na naging aksyon ng pamahalaan sa naranasang worst flood sa loob ng 40 taon sa Cagayan at hindi sapat na magsagawa lamang ng imbestigasyon na sa bandang huli ay maaaring wala ding mangyari.
Aniya, malinaw na illegal logging at mining ang sanhi ng naranasang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela na nangangailangan ng agaran at matapang aksyon ng gobyerno dahil hanggang sa hindi natitigil ang pagmimina sa bansa ay mas marami ang trahedyang naghihintay sa Pilipinas.