MANILA, Philippines — Nagmistulang Pacific Ocean ang malaking bahagi ng lalawigan ng Cagayan at Isabela kung saan libu-libong mga residente ang patuloy na nire-rescue makaraang ma-trap sa bubong ng kanilang mga bahay.
Ganito inilarawan ng mga awtoridad ang pagkalubog sa baha ng Cagayan at Isabela province matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses.
Dahil dito, minobilisa na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang puwersa nito para magsagawa ng SRR (Search Rescue Retrieval) operations sa Northern Luzon partikular na sa Cagayan Valley na dumanas ng matinding pagbaha.
Kasabay nito, idineklara na kahapon ang “state of calamity” sa Cagayan at Isabela.
Ayon kay Gov. Manuel Mamba, ang malawakang pagbaha sa Cagayan ang may pinakamalawak at pinakamalaking pinsala sa kasaysayan ng lalawigan sa nakalipas na mahigit 40 taon matapos na tamaan ang 26 na bayan nito at isang lungsod kung saan 9 ang naitalang nasawi, maraming kabahayan ang nawasak at tinatayang 175,000 katao ang naapektuhan sa tubig-baha dulot pa rin ng bagyong Ulysses.
Sinabi ni Mamba na ang Cagayan ang sumasalo ng lahat ng malalaking ilog na dumadaloy mula sa mga kalapit na lalawigan tulad ng Apayao, Kalinga, Mt. Province kabilang na ang Ibulao River ng Ifugao at Magat River ng Nueva Vizcaya na pumupuno naman sa Magat Dam na nagpakawala rin ng tubig, bago dumaloy at nagpaapaw sa dambuhalang Cagayan River kung saan umaagos din lahat ang mga ilog sa Isabela.
Batay sa pinakahuling update, umabot na sa 43,838 pamilya o katumbas ng 174, 940 katao mula sa 215 barangay ang apektado dahil sa nasabing matinding pagbaha.
Nanawagan na ng tulong si Mamba sa national government dahil sa inabot nilang delubyo.
Sinabi pa ni Mamba na nasa 47,000 residente na ang nai-rescue hanggang nitong Biyernes ng gabi at marami pa ang naghihintay ng tulong na masagip sila sa mga bubungan ng kanilang mga tahanan.
Ani Mamba, pinahinto ang pag-rescue sa mga nasa bubungan noong Biyernes ng gabi sa kasagsagan ng baha dahil sa “poor visibility” o kadiliman ng lugar at malakas na agos.
Gayunman, sinimulan ng nakaantabay na rescuers ng Philippine Coast Guard ang pagligtas sa mga trapped residents dakong alas-3:30 ng madaling-araw kahapon at nasa180 katao ang sinagip ng Coast Guard, ayon sa report.
Samantala, isinailalim din sa state of calamity ang Isabela matapos aprubahan ni Isabela Vice Governor Faustino Dy III ang Provincial Board Resolution kasunod ng 12 araw na walang puknat na pananalasa ng mga bagyong Rolly, Siony, Tony, Ulysses at ang Amihan sa lalawigan. Anila, ang nakaraang kalamidad ay nagdulot ng pangamba, pinsala, pagkalugi at kamatayan sa Isabela.
May 11,000 displaced individuals naman mula sa 3,500 pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers dahil hindi pa humuhupa ang baha.