MANILA, Philippines — Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang naging tindig sa 37th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na nagpapakita sa mahalagang papel ng bansa sa pagpapaunlad ng mas malakas na pakikipagtulungan sa pag-unlad ng rehiyon.
Sa virtual ASEAN Summit, binanggit at ipinagtanggol ni Duterte ang arbitral victory ng bansa sa South China Sea sa pagsasabing walang sinomang bansa, kahit pa napakamakapangyarihan, na isantabi ang nasabing desisyon.
Idinagdag ng Pangulo na ang panalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal ay isang malinaw at may awtoridad na pagbibigay kahulugan ng aplikasyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
“It is now part of international law. And its significance cannot be diminished nor ignored by any country, however big and powerful,” ayon sa Pangulo sa high-level meetings.
Sinuportahan naman ni Go ang pahayag ng Pangulo sa pagsasabing ang rule of law ay dapat na respetuhin at ang anomang pagtatalo ay kinakailangang idaan sa maayos na usapan ng bawat partido.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng ASEAN neighbors para malagpasan ang kasalukuyang crisis.
“Sang-ayon ako sa sinabi ni Pangulong Duterte. Sa tagal ng samahan namin, kilalang kilala ko na ang Pangulo na palaging uunahin niya ang interes at kapakanan ng mga Pilipino,” ani Go.