Probinsya ng Cagayan 'state of calamity' na dahil sa Typhoon Ulysses
MANILA, Philippines — Pormal nang inanunsyo ang "state of calamity" para sa buong lalawigan ng Cagayan matapos ang mga matitinding pagbaha dulot ng nagdaang bagyong "Ulysses."
Ang balita ay inanunsyo ng Cagayan Provincial Information Office sa isang pahayag, Sabado.
"[I]dineklarang nasa ilalim na State of Calamity [ang Cagayan] dahil sa nararanasang pinakamalaki at pinakamalawak na baha sa kasaysayan ng probinsiya," ayon sa provincial government.
Aniya, ibinaba ang desisyon matapos ang isinagawang special session ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw, ika-14 ng Nobyembre.
BREAKING NEWS | #AlertoCagayano #CagayanNeedsHelp CAGAYAN ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY. Sa Special Session ng...
Posted by Cagayan Provincial Information Office on Friday, November 13, 2020
Bago inilabas ng Cagayan PIO ang balita, una nang sinabi ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na inirekomenda na ng kanilang city council ang nasabing deklarasyon.
Ang Lungsod ng Tuguegarao ang tumatayong kabisera ng probinsya ng Cagayan.
Ayon sa Republic Act 10121, idinedeklara ang state of calamity tuwing may:
- mass casualty
- matinding pinsala sa ari-arian
- pagkasira ng kabuhayan, kalsada at normal na pamumuhay ng tao dahil sa "natural or human-induced hazard"
"[I]t is imperative that the Provincial Government of Cagayan undertake measures to address the sufferings of those who were affected and help them recover from the material loss as well as the moral degradation casued by the monsoon rains," ayon sa dokumentong inilabas ng Cagayan PIO.
"[I]n order to start the rehabilitation process and the repair of public facilities and public infrastructures damaged and destroyed by monsoon rains as well as to extend help to all those in the province, a declaration of a State of Calamity is needed."
Matatandaang Biyernes nang ilagay ni Marikina City Marcelino Teodoro ang kanilang lungsod sa state of calamity, matapos din tamaan nang husto ng delubyo.
Kanina lang nang iulat na umabot na sa 195 ang nasasaklolohan ng Philippine Coast Guard sa buong Cagayan Valley Region kaugnay ng mga malawakang pagbaha matapos mapilitang magpakawala ng tubig ang Magat Dam.
May kaugnayan: Marikina placed under state of calamity
Basahin: PCG: 195 nasagip sa mga pagbaha ng Cagayan Valley dulot ni 'Ulysses'
Una nang iniulat na umabot na sa 42 ang namamatay mula sa Typhoon Ulysses. Gayunpaman, 33 pa lang dito ang kinukumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nangyari ang bagyo matapos lamang lumabas ng Super Typhoon Rolly sa Philippine Area of Responsibility — ang pinakamalakas na bagyo sa mundo para sa taong 2020. — James Relativo
- Latest