Lahat ng stranded sa bubong ililigtas — Año

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi naliligtas ang pinakahuling miyembro ng pamilya na lumikas sa bubong ng kanilang mga tahanan.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Interior Secretary Eduardo Año na ililigtas lahat ng mga na-stranded sa ibabaw ng bubong ng kanilang mga bahay dahil sa baha na dala ng Bagyong Ulysses.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Año na hindi titigil ang gobyerno hangga’t hindi naliligtas ang pinakahuling miyembro ng pamilya na lumikas sa bubong ng kanilang mga tahanan.

Sabi ni Año, lahat ng mga kagamitan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Phi­lippines, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection ay idinispatsa para matulungan ang mga naiwan sa bubong ng mga bahay.

Tiniyak din ni Ano na may mga food packs na matatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga dinadala sa mga evacuation centers.

“Nandito rin ang ating DSWD at nag-assure na magpapadala rin ng mga food packs at relief goods sa mga affected areas,” ani Año.

Bagaman at maihahalintulad sa Bagyong Ondoy na nanalasa sa Metro Manila noong 2009, sinabi ni Año na ang labis na naapektuhan lamang ngayon ay ang mga nasa river lines ng Pasig at Marikina River.

“Ang tinamaan naman talaga, along the river lines ng Pasig at Marikina Ri­ver. So, nandoon ngayon iyong concentration ng pag-rescue natin lalo na sa Provident Village ng Marikina Pero hindi man natin masasabi na kasing hirap ito ng Ondoy, ang Ondoy kasi malawakan, halos buong Metro Manila pati iyong hindi mga low-lying areas along the river. Ito talaga within the river ang problema natin sa ngayon,” ani Año.

Sinabi rin ni Año na sabay-sabay na napuno ang mga dam kaya kinailangang magpalabas ng tubig para hindi lumubog ang Metro Manila.

Show comments