MANILA, Philippines — Malaki umano ang pagkakaiba ng Super Typhoon Ondoy na nanalasa noong September 2009 sa Bagyong Ulysses na naranasan ngayon ng Metro Manila at Luzon dahil ang bawat bagyo ay may kanya-kanyang uri at lakas na dalang ulan at hangin.
“Itong si Ulysses, hindi ito kabagalan. Hindi ito katulad ni Ondoy. Si Ondoy talagang napakabagal ng kilos niyan. Sa unti-unti niyang galaw (Ondoy), puro ulan ang dinala niya. Walang masyadong hangin,” pahayag ni Nathaniel “Mang Tani” Cruz, dating climatologist ng PAGASA at resident meteorologist ng GMA.
Ayon kay Cruz, si Ondoy ay kumain ng maraming buhay at puminsala sa maraming ari-arian at imprastraktura nang magkaroon ng flashfloods dahil sa matinding ulan na bumuhos sa loob lamang ng anim na oras.
Samantala si Ulysses ay naapektuhan lamang ng mga nagdaang mga bagyo kaya ang dala nitong ulan ay matindi ring nakaapekto sa mamamayan.
“Ito kasing si Ulysses, ilang bagyo na kasi ang dumaan bago ito dumaan. So, ‘yung lupa, maging sa Sierra Madre ay babad na babad na. Saturated na kaya kaunting ulan lamang ay nagkakaroon ng run-off,” dagdag ni Cruz.
Ito anya ang dahilan kung bakit umabot ang water level ng Marikina river ng 21.9 meters kahapon, mas mataas sa 21.5 meters na water level ni Ondoy noon.
Sinabi rin ni Cruz na mas maraming bagyo na ang dumaan bago si Ulysses kaya pati ang mga dam tulad ng Angat ay umapaw ang tubig.
Kung ikukumpara naman si Ulysses sa Super Typhoon Rolly, si Ulysses ay mas mahina pero ang impact ay higit na naramdaman dahil kakadaan lang ni Rolly at hindi pa nakakabangon ay may bagyo na naman.