‘Task Force Rolly’ itatag – Go
Para ibangon ang mga nasalanta
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Bong Go ang pagtatag ng isang Task Force na tututok sa rehabilitasyon sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Go, imumungkahi niya kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay General Manager Escalada ng National Housing Authority (NHA) na tulad ng ginawa sa Yolanda na magkaroon din ng task force Rolly dahil hindi lang naman Catanduanes ang tinamaan nito.
Paliwanag pa ng Senador na ang nasabing task force ay mahalaga para masiguro na ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay mayroong koordinasyon sa pagbibigay ng serbisyo.
Naapektuhan ng Super Typhoon Rolly ang halos dalawang milyong tao sa iba’t ibang rehiyon sa bansa habang ang rehiyon ng Bicol ang siyang matinding napinsala ng bagyo.
Nagkausap na rin umano si Go at si Budget Secretary Avisado at hihingi na lamang sila ng approval kay Pangulong Duterte dahil sa kanyang rekomendasyon ay malalaan ng 1% para sa budget.
Ito ay dahil naubos na rin ang 5% ng calamity fund dulot na rin ng pagsasailalim sa state of national emergency ng bansa.
- Latest