MANILA, Philippines — Lubos ang pasasalamat ni 2ndDistrict Albay Rep. Joey Salceda sa pagtulong ng linemen ng 11 electric cooperatives na ipinadala ng Philippine Rural Electrification Associations Inc. (Philreca) Partylist upang maisaayos ang nasirang mga linya ng kuryente sa buong Albay na matinding sinalanta ni super typhoon Rolly.
Ang Albay at Catanduanes ang pinakagrabeng naapektuhan ni Rolly na humagupit sa Bicol Region at Southern Luzon.
Sinabi ni Salceda na sa lakas ng bagyo na sumira sa maraming imprastraktura gayundin ang mga linya ng kuryente ay aabutin ng 4 hanggang 6 buwan bago maisaayos. Nasa 97 linemen ng Philreca ang tumulong sa kanilang lalawigan.
Pinasalamatan ni Salceda ang Philreca team na nangakong mananatili sa Albay ng isang buwan para maibalik ang kuryente sa lalawigan.
“Buong puso rin akong nagpapasalamat kay Philreca Partylist Cong. Presley de Jesus sa tulong niya sa pagbuo ng mga pangkat at agarang pagpapadala sa Albay,” dagdag ni Salceda.
Kaugnay nito, muli namang nagbabala si Salceda sa mga residente sa bagyong Ulysses na ayon sa PAGASA ay sa Bicol Region hahagupit.