MANILA, Philippines — Tuloy sa paghataw ang mga panibagong kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas sa paggulong pa rin ng ika-35 na linggo ng community quarantine laban sa pandemya, Miyerkules.
Pumalo na kasi sa 401,416 ang kabuuang bilang ng infections sa Pilipinas, matapos pang mahawaan ang 1,672 katao, ayon sa Department of Health ngayong araw.
Nasa walong laboratoryo naman ang hindi nakapagpasa ng kani-kanilang mga bagong datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS).
Samantala, dito natagpuan ang karamihan sa mga COVID-19 cases na inilabas ng kagarawan ngayong Martes:
- Cavite (100)
- Davao City (99)
- Quezon City (81)
- Batangas (78)
- Baguio City (70)
Napirmi naman sa 31,489 ang bilang ng aktibong kaso sa bansa, bagay na nakuha matapos iawas ang mga gumaling at namatay na mula sa naturang sakit.
Sa ngayon, tumuntong na sa 7,710 ang namamatay dulot ng nasabing sakit — ang 49 mula riyan ay ngayon-ngayon lang naiulat.
Gayunpaman, 311 naman ang sinasabing new recoveries kaugnay ng karamdaman. Sumatutal, umabot na sa 362,217 ang gumagaling sa COVID-19 sa bansa.
Tinanggal naman na mula sa total case count ang limang duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang tatlo sa mga ito ay gumaling na.
Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng 10 katao mula sa COVID-19.
Nananatili namang nasa 92% sa mga nahawaan ng sakit sa Pilipinas ay nananatiling "mild" o "asymptomatic," o yaong hindi nagpapakita ng sintomas:
- mild (83.3%)
- asymptomatic (9.4%)
- critical (4.6%)
- severe (2.5%)
DOH: Wag matakot sa COVID-19
Sinegundahan naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte Martes nang gabi, matapos sabihin ng ikalawa na hindi na dapat matakot sa COVID-19 ngayong malapit na dumating ang mga bakunang gawa ng Tsina at Amerika.
"Hindi naman tayo dapat matakot. Kailangan lang, tayo ay laging vigilant, tayo ay handa, kailangang tayo ay laging cautious and aware," dagdag ni Vergeire.
"Kailangan sinusunod natin 'yung minimum public health standards... But of course, we have to temper our expectations [sa bakuna]. Kailangan grounded pa rin po tayo sa... realidad na nandiyan pa rin 'yung virus."
Aniya, kung sumusunod naman sa health protocols ang lahat ay hindi kinakailangang lamunin ng takot lalo na't "promising" ang ipinapakita ng trials ng Pfizer, na mahigit 90% daw ang effectivity.
Umabot na sa halos 50.7 milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ngayon sa mundo, ayon sa pinakabagong tala ng World Health Organization. Nasa 1,261,075 naman sa kanila ang minalas na nasawi habang nakikipagbuno sa virus. — James Relativo