MANILA, Philippines — Kasabay ng utos ng mga lokal na pamahalaang i-ban ang tradisyunal na "caroling" ngayong talamak ang coronavirus disease pandemic, iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kakaibang pamamaraan para maipagpatuloy nang ligtas ang tradisyon — idaan sa internet.
Tumutukoy ang caroling sa pag-iikot-ikot ng bahay para kumanta ng kantang Pamasko, bagay na sinusuklian ng pera (Aguindaldo) ng mga Pilipino.
Pero ayon sa pamahalaan, may mas ligtas na alternatibo rito lalo na't nasa ilalim pa ng community quarantine ang buong Pilipinas.
"Kung magkakaroon ng caroling siguro online na lang, online caroling," sambit ni Interior Secretary Eduardo Año, Martes, sa panayam ng TeleRadyo.
"['Y]ung personal at saka face-to-face ay sa ngayon hindi pa muna nararapat dahil hindi pa natin nafa-flatten ang curve."
Ilang sektor na sa pamahalaan, gaya ng Joint Task Force COVID Shield, ang nagsasabing ipagbawal muna ito sa ngayon dahil sa paglalapit nito sa mga bata sa peligro ng pathogen.
Kamakailan lang din nang sabihin ni Metropolitan Manila Development Authority general manager Jojo Garcia na nagkasundo na ang mga alkalde ng Metro Manila na iba-ban muna nila ang pagsasagawa ng mga caroling ngayong Christmas season.
Ang naturang mungkahi ay idudulog naman daw ni presidential spokesperson Harry Roque sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa kasalukuyan, meron nang 399,79 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 7,661.
Basahin: COVID-19 cases sa Pilipinas gumapang palapit ng 400,000
Pag-awit at COVID-19 risks
Lunes lang nang sabihin ng Department of Health na may natanggap pa lang silang pag-aaral noong nakaraang linggo na tinutukoy kung anu-ano ang mga gawing kayang mag-transmit ng matataas na "load" ng SARS-CoV-2 — ang virus na nagsasanhi ng COVID-19.
"Naipakita po diyan na 'yung pagkanta nang malakas, 'yan po 'yung may pinakamataas na porsyento, or highest yield of the virus," ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
"If you are infected, mas marami kang nailalabas [na virus kapag kumanta nang malakas]."
Ito ay ikinumpara ng study sa iba pang karaniwang aktibidad gaya ng paghinga, pagsasalita, pag-ubo, pagbahing, pagkanta at pagsasalita nang malakas.
Dahil diyan, pinaaalahanan ng DOH ang publiko ang patuloy na pagsunod sa minimum public health standards: "Iwasan po natin, kung makakaiwas po tayo, sa mga ganitong gathering," sabi pa ni Vergeire.
Sa mga general community quarantine areas aniya, tanging 10 tao lang ang pwedeng magsama-sama para sa mga ganitong aktibidad. Para naman sa mga mas maluluwag na modified general community quarantine areas, hanggang 50 lang ang maaaring magtipong-tipon. — may mga ulat mula kay The STAR/Manny Tupas at The STAR/Marc Jayson Cayabyab