COVID-19 cases sa Pilipinas gumapang palapit ng 400,000

Nakatambay ang mga batang ito sa isang puno sa Tiwi, Albay habang naka-face mask ang ilang kontra COVID-19, ika-8 ng Nobyembre, 2020
UNOCHA/Martin San Diego

MANILA, Philippines — Walang-tigil pa rin ang pagsirit ng panibagong kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas, dahilan para apat na beses na itong pumalo ng daanlibo.

Pumalo na kasi sa 399,749 ang kabuuang bilang ng infections sa Pilipinas, matapos tablan pa nito ang 1,347 katao, ayon sa Kagawaran ng Kalusugan ngayong Martes.

Sa kabila niyan, nasa walong laboratoryo naman ang hindi nakapagpasa ng kani-kanilang mga bagong datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS).

Samantala, dito natagpuan ang karamihan sa mga COVID-19 cases na inilabas ng kagarawan ngayong Martes:

  • Cavite (92)
  • Lungsod ng Maynila (77)
  • Lungsod ng Quezon (58)
  • Lungsod ng Baguio (55)
  • Laguna (52)

Nananatili namang nasa 30,169 ang bilang ng domestic active cases, bagay na nakuha matapos iawas ang mga gumaling at namatay na mula sa naturang sakit.

"Samantala ay mayroon namang naitalang 187 [bagong] gumaling at 14 na pumanaw," dagdag pa ng Department of Health.

Sumatutal, 361,919 na ang nagre-recover mula sa pathogen habang 7,661 naman ang hindi pinalad at pumanaw.

Tinanggal naman na mula sa total case count ang 47 na duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang 43 sa mga ito ay gumaling na.

Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng siyam na katao mula sa COVID-19.

Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung tuluyan niyang ipagbabawal muna ang tradisyunal na "caroling" sa buong Pilipinas, bagay na nakikita nang risk ng ilan pagdating sa pagco-contract ng COVID-19 — lalo na sa mga bata.

Meron na kasing ilang pag-aaral na mataas ang posibilidad ng paghahawaan ng nakamamatay na virus kapag kumakanta nang malakas ang isang infected na tao.

"Ako na po siguro ang magtatanong sa [susunod na pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases] kasi palaging lumalabas po 'yan sa balita ano. At marami na pongh lokal na opisyales na nagba-ban," ani Roque sa isang briefing.

"Manila at Quezon City, nag-ban na po ng caroling. So tatanungin ko na rin sa IATF para maging uniform po 'yung utos."

Kamakailan lang nang kumpirmahin ni Metropolitan Manila Development Authority general manager Jojo Garcia na nagkasundo na ang mga Metro Manila mayors na ipagbabawal na ang pagdaraos ng naturang gawi sa punong rehiyon.

Ayon sa World Health Organization, halos 50.26 milyon na ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, 1,245,567 milyon na ang patay. — may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab

Show comments