Salceda sa Senado
MANILA, Philippines — “Ilang buhay pa ang kailangan na masakripisyo bago umakto ang Senado at ipasa ang kinakailangang Department of Disaster Resilience (DDR)?”
Ito ang tanong ni Albay Rep. Joey Salceda sa Senado sa harap na rin ng patuloy nitong pagtutol na ipasa ang DDR na una nang sinertipika bilang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at naipasa na rin sa House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Salceda, panibagong “wake up call” sa gobyerno ang pagkamatay ng 20 katao sa Bicol na biktima ng bagyong Rolly.
Wika niya, isa nang “fact of life” ang kalamidad sa Pilipinas, may mga aktibong bulkan ang bansa, mas marami at malalakas na bagyo ang pumapasok kada taon at dinagdagan pa ng climate change.
Ani Salceda, ang lahat ng epekto nito ay kayang mabawasan kung mayroong isang full-time agency na siyang tutugon at maghahanda sa oras ng kalamidad.
Ang kawalan ng pondo at dagdag gastos pa para sa pagbuo ng panibagong ahensya na DDR ang pangunahing dahilan kung bakit tutol sa panukala sina Sens. Panfilo Lacson at Dick Gordon subalit dinepensahan ito ni Salceda.
Aniya, hindi dapat maging balakid ang pondo sa pagbuo ng mga makabuluhang polisiya dahil maaari itong hanapan ng Kamara.
Sa oras na maisabatas ang Disaster Resilience Act ay tutugunan nito ang lahat ng paghahanda at rehabilitative efforts sa lahat ng uri ng natural hazards kabilang na rito ang mga bagyo, earthquake, volcanic activity, El Niño, El Niña at pagpapatayo ng mga LGUs ng permanent evacuation center.
Sa termino ni Cayetano bilang House Speaker, natutukan ang pagpasa ng DDR alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA subalit patuloy itong nakabinbin sa Senado.