MANILA, Philippines — Nilinaw ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi makakasapaw sa trabaho ng mga kasalukuyang anti- corruption agencies at constitutional bodies, gaya ng Office of the Ombudsman ang expanded inter-agency task force na mandatong walisin ang mga nakabaon nang katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Go ang kabubuong task force ay tugon sa masidhing pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ng tunay na pagbabago ang gobyerno bago matapos ang kanyang termino sa 2022.
Sinabi ni Go na habang may sariling mandato sa ilalim ng Konstitusyon ang Ombudsman laban sa korapsyon, ang Department of Justice na siyang mamumuno sa task force, ay may sarili ring mandato at mekanismo upang lutasin ang sistematikong kurakutan sa pamahalaan.
“Hindi naman po, kasi itong Department of Justice, they lead the task force, mayroon naman mandato ang DOJ na talagang mag-prosecute,” ani Go.
“It may also create as many panels as it deems necessary, and direct other government agencies to assist or be part of its panels, such as the Office of the Ombudsman, Commission on Audit, and Presidential Anti-Corruption Commission, among others,” dagdag niya.
Tiniyak ni Go na ang expanded task force ay hindi lamang magsisiyasat, bagkus ay maghahain din ng kaso, maglilitis, magsasagawa ng lifestyle checks, magrerekomenda ng suspensyon at magpapakulong ng mga mapatutunayang guilty sa katiwalian.