Duterte sa Red Cross: ‘Mukhang pera’
MANILA, Philippines — Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “mukhang pera” ang Philippine National Red Cross (PRC).
Ito ay matapos na iulat ni Health Secretary Francisco Duque III sa televised briefing noong Huwebes ng gabi sa Pangulo na itutuloy na ng PRC ang pagsusuri ng mga swab specimen para sa COVID-19 test matapos makapagbayad ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng paunang P500 milyon para sa kabuuang P930 milyon na utang ng PhilHealth sa Red Cross.
Dahil dito kaya biglang nagbitiw ng salita ang Pangulo na “Mukhang pera”.
Matatandaan na nangako si Duterte na babayaran ng gobyerno ang P930 milyon na utang ng PhilHealth sa PRC matapos na itigil nito ang pagproseso ng COVID-19 test sa mga umuuwing OFWs at sa ilang mega quarantine facility na ang PhilHealth ang nagbabayad.
Pinag-iingat naman ni Sen. Richard Gordon, chairman ng PRC ang Pangulo sa kanyang mga binibitiwang salita na umano’y “unpresidential”.
Ayon kay Gordon, hindi naman siya nasasaktan sa sinabi ni Duterte at sa halip ay mas nais niyang tumutok sa pagtulong sa gobyerno sa paglaban sa pandemic at sa pananalasa ng Supertyphoon Rolly sa Bicol Region.
Pinagtanggol din naman ni Presidential spokesman Harry Roque ang pahayag ng Pangulo na “mukhang pera” sa PRC.
Sinabi ni Roque na hayaan na lamang ang Pangulo sa gusto niyang sabihin at pabayaan na lamang itong manatiling “on record” at bahala na.
Related video:
- Latest