Red Cross bumwelta sa bansag na 'mukhang pera': Hindi kami ang umutang
MANILA, Philippines — Binanatan ni Sen. Richard Gordon, chairperson ng Philippine Red Cross (PRC, ang puna ni Pangulong Rodrigo Duterte na "mukhang pera" sila kaugnay ng pagkakautang ng gobyerno mga coronavirus disease (COVID-19) testing na isinasagawa ngayong pandemya.
Matatandaang itinigil ng Red Cross ang kanilang COVID-19 testing nitong nakaraan dahil sa halos bilyong pisong inutang ng PhilHealth — isang state-owned health insurance agency — para maitaas ang testing capacity ng bansa.
Pero reklamo ni Duterte, bigla na lang daw ipinagpatuloy ng private group ang kanilang testing matapos mabayaran ng gobyerno ang kalahati ng utang nito: "Mukhang pera," sambit ng presidente, Huwebes nang gabi.
May kinalaman: Duterte: PhilHealth's P930 million debt to Red Cross will be paid but 'will take time'
"Hindi kami mukhang pera. Ang sinasabi ko lang, dahan-dahan naman sa pananalita because nakakatulong naman kami," tugon ni Gordon sa panayam ng TeleRadyo ngayong Biyernes.
"Hindi naman kami umutang. Sila umutang, kami nagpa-test, hindi ba dapat bayaran niyo?"
Una nang sinabi ng Red Cross na ayaw nila ng hulugang-bayad na 50%, ngunit pumayag din kalaunan.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bumaba sana ng 20% ang total testing capacity ng Pilipinas, ngunit napigilan daw ito dahil idinistribute daw ang naiwang trabaho sa 11 laboratoryo at muli namang nagserbisyo ang PRC.
Ayon pa kay Gordon, pinagbibigyan daw niya si Duterte at maaaring hindi naman sila ang totoong pinasasaringan kagabi: "Hindi naman kami ang tinutukoy, palagay ko. I'm giving him the benefit of the doubt, out of respect for the president."
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH), Huwebes, umabot na sa 389,725 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan 7,409 na ang namamatay. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest