Super DDR’ kailangan na

Matapos bugbugin ni ‘Rolly’

MANILA, Philippines  — Matapos ang pananalasa ni super typhoon Rolly na humagupit sa bansa partikular sa Bicol Region, napapanahon at sadyang kailangan na ang paglikha sa Department of Disaster Resilience (DDR).

Ayon kay 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng House Committee on Ways and Means, ang super typhoon Rolly ay nag-iwan ng 24 kataong patay sa Bicol habang may mga nawawala pang residente.

Sinabi ni Salceda na aabutin ng 10 taon bago maibalik sa dati ang mga nasirang pinsala sa mga lalawigan ng Catanduanes, Albay at Camarines Sur.

Ayon pa kay Salceda, sunud-sunod na bagyo na ang humahagupit sa Pilipinas sa gitna ng kinakaharap na problema ng pamahalaan sa COVID-19 kaya dapat magsilbing panggising na ito para maaprubahan ang DDR Bill.

Samantala, sinira rin ni super typhoon Rolly ang ‘zero casualty’ na rekord ng Albay sa loob ng siyam na taong panunungkulan ni Salceda bilang gobernador ng lalawigan hanggang 2017. Ngayon, ito ang nagkaroon ng pinakamaraming namatay.

“Gaanong paghihirap pa ang kailangan nating danasin bago ipasa ang panukalang DDR Act?,” tanong ni Salceda na siyang bumalangkas ng HB 5989, ang DDR bill.

Ang DDR Bill ay ipinasa na sa huli at ikatlong pagbasa sa Kamara noong Setyembre 21 at kasalukuyang nakabinbin sa Senado. 

Show comments