MANILA, Philippines — Matapos ang pananalasa ng bagyong Rolly partikular sa Bicol Region, umapela ang Philippine National Police (PNP) sa CPP-NPA-NDF na huwag harangin o maging balakid sa relief operations ng pulisya at maging ng militar.
Ang apela ay ginawa ni PNP Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan upang matiyak na magiging maayos at mabilis ang pagdadala ng mga tulong at relief operations nila sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Sa halip aniya na manggulo, hinimok ni Cascolan ang mga rebelde na makipagtulungan na lang sa awtoridad para sa kapakanan ng mga komunidad na lubhang naapektuhan ng bagyo. Aniya, bukas ang pamahalaan na tulungan ang mga rebelde na biktima ng kalamidad.
Tiniyak naman ng PNP na tutugon sila sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik agad sa normal ang pamumuhay ng mga nasalanta.