DOH: COVID-19 testing sa evacuation centers 'ideyal kaso hindi magagawa'
MANILA, Philippines — Bagama't punuan ng mga tao sa mga evacuation centers ngayon dulot ng noo'y Super Typhoon Rolly sa iba't ibang bahagi ng bansa, hindi raw kakayanin ng gobyerno na magsagawa ng coronavirus disease (COVID-19) testing sa mga lumilikas na pansamantalang maninirahan sa iisang lugar.
May ilang pagkakataon na kasing magkakasama sa iisang "modular tents" ang magkakaibang pamilya ngayon sa mga evacuation areas, bagay na pinagmumulan ng takot ng ilang residente.
"It is the ideal. Ideally, kung meron tayong ganoong resources at maisasagwa, we could do that. Pero katulad nga ng sinasabi natin, 'yung paglilikas natin sa ating mga kababayan during these times of calamities, ito po ay isa sa mga emergency measures na ginagawa natin," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes.
"The testing is not really recommended at this point. Hindi po natin 'yan magagawa sa ngayon."
Ilan sa mga pinakamalalang tinamaan ng nasabing bagyo ay ang lalawigan ng Catanduanes, Albay at Camarines Sur.
Umabot na sa 300,000 katao ang sinasabing pinalikas ng gobyerno ng Bikol dahil sa bagyo.
"Ngayon... na nagkaroon ng mga instances na nagsama na kahit hindi sila magkakapamilya, ang atin nga pong ipinapaalala di ba, that they should... na meron silang mask lahat," sabi pa ng DOH official.
"Ang advise din namin, do not stay the whole day inside in that tent. Try to just go out and have [fresh] air. Kasi nga po, enclosed din ang modular tent na 'yan."
'Symptoms screening'
Para matiyak ang kaligtasan ngayon ng mga residenteng lumilikas, hindi COVID-19 testing ang isinasagawa ngayon kung hindi "symptoms screening."
"What we have recommended is for the symptoms screening and the assignment of safety officers in these kind of evacuation areas para nakikita natin kung sino ang mga may sintomas, mae-extract natin sila agad, mailagay sila sa ibang facility o evacuation site," patuloy ni Vergeire.
Kaso, hindi lahat ng tinatamaan ng COVID-19 ay nagpapakita ng sintomas lalo na't marami sa nagco-contract ng SARS-CoV-
Aniya, pinakaimportante sa ngayon ay palagiang nababantayan ng "safety officers" ang lahat ng taong nasa loob ng evacuation sites para maiwasan ang lalong pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Wala ring gagawing COVID-19 tests oras na umalis ng evacuation areas ang mga residente at dadaan lang uli sa symptoms screening.
Kaugnay niyan, kakailanganin daw talaga ng barangay health emergency response teams para patuloy na maobserbahan ang mga residente oras na bumalik sila sa kanya-kanyang tirahan.
Ayaw pa namang tiyakin ng DOH kung magiging "superspreader" ang nasabing mga kondisyones sa loob ng mga evacuation centers, ngunit pag-aaralan daw nila ito upang maiwasan sa hinaharap.
Ayon sa huling ulat ng DOH, Linggo, nasa 383,113 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. 7,238 sa bilang na 'yan ay patay na.
- Latest