MANILA, Philippines — Apat katao ang iniulat na nasawi sa lalawigan ng Albay sa paghagupit ng bagyong Rolly kahapon.
Sinabi ni Albay Gov. Al Francis Bichara na base sa kanilang natanggap na report, ang dalawa ay mula sa Polangui at Daraga. Ang namatay mula sa Daraga ay bunga ng pagkakabuwal ng punong-kahoy na bumagsak sa bahay nito.
Kasama ang Albay sa mga lugar na nakataas sa Signal No. 4.
“Apat na. Sa ngayon, apat ‘yung accounted for. ‘Yung tatlo related sa ilog, nag-overflow, nawasak ‘yung dike at ‘yun ‘yung mga namatay,” ayon kay Bichara sa panayam ng Dobol B.
Isa sa mga biktima ay isang limang taong bata.
“‘Yung batang ‘yun malamang inanod ‘yun… siguro isang pamilya habang ano nabitawan siguro, inanod ‘yung isang bata. ‘Yung isa naman, inanod ng lahar, at sa Polangui mayroon ding inanod sa ilog,” saad nito.
Nabatid na isang dike ang nawasak dahil sa lakas ng daloy ng tubig baha gayundin ang pagkawala ng supply ng kuryente at communication lines.
Sa ulat naman ni Quezon Governor Danilo Suarez, nasa red alert status ang buong Quezon province dahil sa pananatili ng malakas na hangin dala ng super typhoon ‘Rolly’. Wala ring supply ng kuryente sa 10 bayan sa Quezon at hindi rin madaanan ang mga national at provincial roads.
Aniya, nagpaabot na ng tulong ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at Department of Social Welfare and Development sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
Tinatayang nasa 25,000 indibiduwal ang inilikas. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan.
Naging maagap naman si Santa Rosa, Laguna Mayor Arlene Arcillas nang agad na magsagawa ng preemptive evacuation sa mga residente na posibleng maapektuhan ng bagyo.
Aniya, nakaantabay ang rescue vehicles, generators at food packs na dadalhin sa mga evacuation centers.
Samantala, humina ang bagyong Rolly na huling namataan ang may 50 km South-Southwest ng Tayabas, Quezon dakong alas-4:00 ng hapon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 165 km per hour at bugsong aabot sa 230 kph.
Kumikilos pa rin ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 25 kph.
Alas-12 ng tanghali kahapon nang mag-landfall sa ikatlong pagkakataon ang bagyo sa Narciso, Quezon.
Unang nag-landfall si Rolly sa Bato, Catanduanes dakong 4:50 Linggo ng madaling araw at saka muling nag-landfall sa Tiwi, Albay bandang alas-7 ng umaga.
Bahagya nang humina ang Bagyong Rolly, ayon sa PAGASA.
Wala na ring mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 habang ibinaba na rin ang storm signal sa iba pang mga probinsiya.
Posible rin umanong lumabas ng mainland Luzon landmass ang bagyo nitong Linggo ng gabi.