SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Sinibak na sa puwesto ang isang tinyente dito matapos ireklamo ng panghahalay sa isang 24- anyos na dalaga na nakakulong sa police station makaraang arestuhin dahil sa paglabag sa pinaiiral na curfew sa lalawigan.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan Police Provincial director ang sinibak na opisyal na si P/Lt. Jimmy Fegcan, deputy chief of police for operations sa San Miguel Police Station at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sinabi ni P/Brig. Gen. Valeriano de Leon, regional director ng Police Regional Office 3 na hindi niya kukunsintihin ang kahit sinumang pulis, opisyal man o hindi sa mga masasamang gawain at tiniyak na mananagot sa batas.
Sa imbestigasyon, madaling araw ng Oktubre 28 habang nakadetine sa naturang police station ang biktimang si Gina, di-tunay na pangalan nang gahasain umano ng suspek. Sinamantala umano ng suspek na walang tao sa istasyon at mabilis na isinagawa ang maitim na balak sa biktima at tinakot na papatayin sa oras na siya ay magsumbong sa mga kabarong pulis.