MANILA, Philippines — Umakyat na sa 22 indibiduwal ang naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasawi matapos manalasa ang bagyong Quinta sa bansa.
Sa kanilang report, ang mga namatay ay naitala sa Calabarzon, Mimaropa, Region 5, 6 at 7 habang umakyat din sa 39 ang nasugatan at apat ang nawawala na pinaghahanap pa rin ng search and rescue teams sa limang nabanggit na rehiyon.
Nadagdagan din ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Quinta na umabot sa 176, 532 o katumbas ng 775, 513 indibiduwal. Nasa 2,206 na pamilya ang tumutuloy ngayon sa 150 evacuation centers at 1,773 pamilya ang nakikituloy sa kanilang mga kaanak.
Naitala rin ang kabuuang 95 na insidente ng pagbaha, pagguho ng lupa at paglubog ng bangka habang mahigit 52,000 bahay ang nasira ng nasabing bagyo kung saan mahigit 49,000 dito ay “partially damaged” at mahigit 3,000 ang “totally damaged”.