MANILA, Philippines — Mabilis ang naging paglakas ng Typhoon Rolly sa nakaraang araw at lalo pang lalakas bago tumama sa kalupaan ng Pilipinas, babala ng PAGASA weather forecasters, Biyernes.
Bandang 4 a.m. nang matagpuan ang bagyo 1,885 kilometro silangan ng Gitnang Luzon.
"In the past 24 hours, 'rapid intensification' po ang nanghyari dito sa bagyo," wika ni Loriedin dela Cruz, weather specialist ng gobyerno.
"Kahapong umaga nga po ay nasa severe tropical storm category po ito, at kagabi lamang ay naging typhoon na ho ito hanggang sa lumakas pa ho ito at nadagdagan pa ang kanyaung maximum sustained winds ngayong umaga. Umabot na ito sa 140 kilometers per hour."
May bugso itong aabot ng 170 kilometro kada oras at kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa susunod na dalawang araw, bahagya itong susubsob pa-timogkanluran kung kaya't bababa papungo sa karagatan malapit sa Bikol ang bagyo.
"Inaasahan natin na ang tumbok nito ay sa pagitan ng Central Luzon at dito po sa Quezon Province," dagdag pa ni Dela Cruz.
"Kung hindi man daanan ng mismong sentro ang landmass ng Bicol Region ay mahahagip naman ho ito ng diametro ng bagyo."
Kasama na rinsa pinag-iingat ng PAGASA ang ilang bahagi ng Hilagang Luzon sa ngayon.
Sa ngayon, posibleng magtaas na ng signal storm warning sa Bicol Region pagdating ng hapon o gabi.
Pagsapit ng Lunes, tinatayang 75 kilometro na lang ito hilagangkanluran ng Infanta, Quezon.
Maraming oras tumindi pa
Samantala, labis namang binabantayan ng state weather bureau ang patuloy na paglakas ng bagyo kahit na ito'y "typhoon" na ang category. Malayo pa rin kasi ito sa lupa hanggang sa ngayon.
"Nasa dagat pa ho siya at favorable ho ang kanyang environment condition for intensification," sabi pa ni Dela Cruz.
"Medyo mainit ang dagat malapit sa ating bansa sa ngayon, kaya mas lalong mataas ang posibilidad na lumakas pa ang bagyo."
Inaasahan na sasalpok ang bagyo sa lupa sa "peak intensity" nito na may dalang hanging papalo ng 165-185 kilometro kada oras: "Malakas ho 'yan na typhoon kaya't hindi po dapat ipagsawalang-bahala," aniya.
"'Yung possible na pinakamataas na signal na itaas sa ilang bahagi ng Southern Luzon at ilang bahagi rin ho ng mga lugar na daraanan mismo ng bagyo ay no. 3 o no. 4."
Sa kabila ng lahat ng ito, maaari namang unti-unting humina ang Typhoon Rolly oras na tumama ito sa bulubundukin ng Sierra Madre.