Panawagan ni Velasco sa Senado na ipasa ang Disaster bill suportado ng buong Kamara
MANILA, Philippines — Saloobin ng buong Kamara at ng milyun-milyong mga Pilipino ang ginawang panawagan kamakailan ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Senado na ipasa nito agad ang Department of Disaster Resilience (DDR) bill.
Ito ang pananaw ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na siyang pangunahing may-akda ng panukalang DDR bill (HB 5989).
Ginawa ni Velasco ang panawagan sa Senado habang binubugbog ni Typhoon Quinta ang maraming bahagi ng Luzon.
Itinuturing ang HB 5989 na isang kumprehensibong pagtugon ng bansa laban sa mga kalamidad, kasama na ang pandemya na maraming beses ng inindorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang HB 5989 na binalangkas ni Salceda at umani ng 241 boto nang ipasa ng Kamara noong Setyembre ay naghihintay na lamang ng aksyon ng Senado.
Nilalayon ng DDR Bill na maging pangunahing ahensya ng pamahalaan para manguna, mangasiwa at mag-ugnay sa lahat ng hakbang at programa ng gobyerno para maiwasan, mapaghandaan at mapagaan ang dagok na dulot ng pananalanta ng mga kalamidad, makabangon sa mga ito at patuloy na isulong ang progreso ng bayan at lipunan.
Positibo naman si Salceda na maipapasa ito sa Senado lalo na at si Sen. Bong Go ang umakda ng bersyon nito na nais ring mabago ang mga pananaw at pamamaraan sa pagtugon sa mga kalamidad lalo na ngayong may pandemya.
- Latest