MANILA, Philippines — Posibleng typhoon category agad pagtama ng lupa ang panibagong bagyo na umaali-aligid ngayon sa silangan ng Luzon matapos ang apat na araw.
Ayon sa state weather bureau, malakas-lakas agad ang pwersa ng nasabing sama ng panahon, na agad humalili sa paglayo ng bagyong "Quinta" sa Pilipinas.
"Sa landfall nito sa Linggo diyan sa may Bicol Region, ito po ay tatama sa lupa bilang isang typhoon," ani Ariel Rojas, weather specialist ng PAGASA, Miyerkules.
"Ibig sabihin, malalakas po ang dalang hangin niyan na posibleng magpatumba ng mga puno at makasira ng mga istruktura, lalo na 'yung mga gawa sa mga light materials."
Bandang 4 p.m. nang mamataan ang nasabing tropical depression 1,910 kilometro silangan ng Gitnang Luzon, na nagtataglay ng lakas ng hangin na aabot ng 55 kilometro kada oras malapit sa gitna.
May dala rin itong bugso na papalo hanggang 70 kilometro kada oras at kumikilos pa-kanluran hilagangkanluran sa bagal na 10 kilometro kada oras.
"At mapapansin natin na ito'y nasa gitna pa ng karagatan. Wala pa po itong direktang epekto sa panahon sa ating bansa," dagdag ni Rojas.
Wala pa itong international name sa ngayon, bagay na igagawad lang oras na maging tropical storm.
Tinatayang mangyayari 'yan bago pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
'Nasa PAR bukas'
"By tomorrow morning or afternoon, nasa loob na ito ng ating area of monitoring ang bagyo at bibigyan natin ng local name na Rolly," sambit pa ni Rojas.
"Babaybayin po niyan ang Philippine Sea pa-timogkanluran, at habang binabaybay po ito ay lalakas pa, posibleng maging severe tropical storm at typhoon in 48 to 72 hours."
Tatawid ang nasabing bagyo sa timog-bahagi ng isla ng Luzon, at sinasabing makalalabas ng West Philippine Sea pagsapit ng ika-2 ng Nobyembre.
Kamakailan lang nang makalabas ng bansa ang bagyong "Quinta," na nagdulot ng pagkasawi ng siyam na katao, pagkawala ng dalawa at pagkasugat ng anim pang iba.
Nagdulot din ang nasabing bagyo ng P429.72 milyong pinsala, kalakhan sa sektor ng agrikultura na umabot ng P401.72 milyon. — James Relativo