MANILA, Philippines — Nag-iwan ng mga patay at daan-daang milyong pinsala sa ang Typhoon Quinta sa tuluyan nitong paglabas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa bagong tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
"Sumatutal, siyam (9) ang patay, anim (6) ang sugatan at dalawa (2) ang nawawalang tao sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, [Region] VI at VII dahil sa TY 'Quinta,'" wika ng NDRRMC sa isang situation report sa Inggles.
Matatandaang umabot sa Signal No. 3 ang hagupit ng bagyo sa ilang lugar nitong mga nagdaang araw, bagay na nagpaulan nang husto sa Bikol, Quezon, Batangas, Romblon, Marinduque at Mindoro.
Limang beses din itong sumalpok sa lupa simula noong ika-25 hanggang ika-26 ng Oktubre.
Dahil sa hagupit ng sama ng panahon, umabot sa 49,557 pamilya (209,457 katao) ang naapektuhan.
Sinasabing nagmula ang mga nabanggit mula sa 787 baranggay mula sa:
- Region III (Central Luzon)
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Region VI (Western Visayas)
- Region VIII (Eastern Visayas)
Sa bilang na 'yan, napilitang manuluyan muna ang 48,417 katao sa loob ng 704 evacuation centers.
Gayunpaman, nakatatanggap naman daw ng tulong labas sa mga evacuation ang nasa 2,357 pamilya sa ngayon.
Nakapagtala naman ng 81 insidente ng pagbaha, pagguho ng lupa at maritime incidents mula sa pitong rehiyon dulot ni "Quinta."
Pinasala milyun-milyon
Bukod sa casualties, nag-iwan din ng halos P430 milyong halaga ng pinsala ang bagyo, kalakhan sa sektor ng agrikultura:
Dahil sa epekto ng bagyo, naglabas na ng P31,045 na assistance ang mga local government units (LGUs) sa mga naperwisyong pamilya.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang personal na inspeksyunin ni House speaker at Marindique Rep. Lord Allan Velasco ang pinsalang idinulot ng Typhoon Quinta, lalo na't matindi ang pagtama nito sa kanyang home province. Tiniyak naman niya na paparating na ang relief efforts sa nasabing isla.
SPEAKER AFTER THE STORM.
House Speaker Lord Allan Velasco personally inspects areas in his home province of Marinduque that were ravaged by Typhoon Quinta. The Speaker assured that relief efforts are underway for typhoon victims on the island province. . pic.twitter.com/ERhmgRykSX— Congressman Lord Allan Jay Velasco (@CongLordVelasco) October 26, 2020