Bagong bagyo eentrada ng PAR, tatawaging 'Rolly'

Kuha ng bagyong papangalanang "Rolly" oras na pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pinakamaaga bukas, ika-28 ng Oktubre
Videograb mula sa Facebook ng Dost_pagasa

MANILA, Philippines — Nagbabadyang pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR), pinakamaaga bukas, ang isang sama ng panahon na ngayo'y isa nang ganap na bagyo.

Bandang 4 p.m. nang matagpuan ang nasabing tropical depression 2,125 kilometro silangan ng Gitnang Luzon, na magdadala ng hanging may lakas na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna.

May bugso itong papalo nang hanggang 55 kilometro kada oras at kumikilos sa direksyong hilaga hilagangkanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

"The Tropical Depression will move northwestward or west-northwestward today through Thursday, then southwestward by Friday towards Bicol Region-Eastern Visayas area," ayon sa forecase ng PAGASA, Martes. 

"On the forecast track, it may enter the Philippine Area of Responsibility (PAR) tomorrow evening or Thursday."

Tatawagin itong Tropical Depression Rolly oras na pumasok ito ng PAR.

Tinatayang lalakas pa ito hanggang maging tropical storm sa susunod na 72 oras. Sa Linggo, maaaring severe tropical storm na ito 135 kilometro mula sa Legazpi City, Albay.

Matatandaang naging bagyo ang dating low pressure area (LPA) kaninang 8 a.m., ngunit wala pa ring international name hanggang ngayon.

Tinutumbok nito ang Pilipinas kahit kalalabas lang ng Typhoon Quinta kaninang 8 a.m. Kahit wala na sa PAR ang naunang bagyo, signal no. 1 pa rin sa Kalayaan Islands.

"Bagama't nasa gitna na po ng West Philippine Sea si Typhoon Molave (Quinta), 'yung kanyang outer rainbands ay meron pa rin pong pag-uulap at pag-ulan na dinadala dito sa may MIMAROPA areas, sa Western Visayas at even po sa kay Zamboanga Peninsula at Sulu archipelago," wika ni Ariel Rojas, weather specialist ng PAGASA.

"Kaya may mga aasahan pang mga pag-ulan ngayong hapon at mamayang gabi." 

Bago ang bagyong Quinta, matatandaang kalalabas lang ng PAR ng bagyong "Pepito" noong nakaraang linggo, na nagdulot ng P121.7 milyon pinsala sa iba't ibang bahagi ng bansa. — James Relativo

Show comments