MANILA, Philippines — Pormal nang inirekomenda ni Senator Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng mas pinalawak na Inter-Agency Task Force na magsisiyasat sa sistematikong katiwalian sa pamahalaan.
Ang task force ay isang inisyatiba upang malinis ang mga ahensiya ng gobyerno, alinsunod sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Duterte laban sa patuloy na kurakutan sa gobyerno.
Ginawa ni Go ang rekomendasyon sa Pangulo dahil sa mga report na talamak pa rin ang systemic corruption sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, gaya ng Department of Public Works and Highways, ang ‘pastillas’ scheme sa Bureau of Immigration, extortion sa Bureau of Customs, paglulustay ng pondo sa Philippine Health Insurance Corporation, rice smuggling sa agriculture sector at marami pa.
Ipinaliwang ni Go na ang panukala niyang task force ay mas malawak at pinalakas na bersyon ng naunang nilikhang task force para imbestigahan ang anomalya sa PhilHealth.
Sasaklawain nito ang lahat ng government agencies at magiging aktibo hanggang sa katapusan ng termino ni Pangulong Duterte sa 2022.