Virtual reunion sa Pasko isinulong

MANILA, Philippines  — Upang matiyak na hindi magkakahawahan ng COVID-19, isinulong ni Cabinet Secretary Carlo Nograles na magdaos na lang muna ng virtual reunions ang mga magkakalayong pamilya sa Pasko.

Ipinaalala ni Nograles na delikado pa ring mag­kahawahan kung magkikita-kita ang mga magkakamag-anak mula sa iba’t ibang lugar.

“Dapat alalahanin po natin na mayroon pa rin tayong health and safety protocols when it comes to mass gatherings no. ‘Di pwede basta-basta mag-mass gatherings,” paalala ni Nograles.

Kalimitan nang umu­uwi sa kani-kanilang pro­binsiya ang mga naninirahan sa Metro Manila tuwing sumasapit ang Pasko upang bumisita sa mga kamag-anak, o kaya naman ay nagtutungo sa Metro Manila ang mga taga-probinsiya.

Sinabi ni Nograles na kung maaari ay gamitin na lamang muna ang teknolohiya upang magkita-kita ang mga magkakamag-anak sa Pasko.

“Pwede naman mag-Christmas party via online o Zoom or gagamitin natin yung technology o iba’t ibang online platforms para sa ating Christmas get-togethers,” dagdag ni Nograles.

Sinabi pa ni Nograles na nais ng gobyerno na maging masaya ang Pasko ng lahat na mangyayari kung walang magkakasakit sa gitna ng pan­demya.

Sa ngayon ay hindi pa rin aniya napapag-usapan ng IATF kung magpapalabas ng panuntunan sa pagdiriwang ng Pasko.

Show comments