Virtual reunion sa Pasko isinulong
MANILA, Philippines — Upang matiyak na hindi magkakahawahan ng COVID-19, isinulong ni Cabinet Secretary Carlo Nograles na magdaos na lang muna ng virtual reunions ang mga magkakalayong pamilya sa Pasko.
Ipinaalala ni Nograles na delikado pa ring magkahawahan kung magkikita-kita ang mga magkakamag-anak mula sa iba’t ibang lugar.
“Dapat alalahanin po natin na mayroon pa rin tayong health and safety protocols when it comes to mass gatherings no. ‘Di pwede basta-basta mag-mass gatherings,” paalala ni Nograles.
Kalimitan nang umuuwi sa kani-kanilang probinsiya ang mga naninirahan sa Metro Manila tuwing sumasapit ang Pasko upang bumisita sa mga kamag-anak, o kaya naman ay nagtutungo sa Metro Manila ang mga taga-probinsiya.
Sinabi ni Nograles na kung maaari ay gamitin na lamang muna ang teknolohiya upang magkita-kita ang mga magkakamag-anak sa Pasko.
“Pwede naman mag-Christmas party via online o Zoom or gagamitin natin yung technology o iba’t ibang online platforms para sa ating Christmas get-togethers,” dagdag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na nais ng gobyerno na maging masaya ang Pasko ng lahat na mangyayari kung walang magkakasakit sa gitna ng pandemya.
Sa ngayon ay hindi pa rin aniya napapag-usapan ng IATF kung magpapalabas ng panuntunan sa pagdiriwang ng Pasko.
- Latest