Sen. Go: COVID-19 vaccine tiyaking ligtas, epektibo

MANILA, Philippines  — Ipinatitiyak ni Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulan na ligtas at epektibo ang COVID-19 vaccine na gagamitin sa bansa, kasabay ng pagpapaalala na hindi ito dapat madaliin.

“Ang importante ay maging safe po ito (COVID-19 vaccine) para sa ating mga kababayan,” ani Go sa pagsasabing kinakailangan ding sundin ang maayos na proseso bago gamitin ang bakuna.

Binanggit din ni Go na inilatag na ni Department of Health Secretary Francisco Duque ang timeline ng vaccine development at  trial sa bansa na tatagal hanggang Marso 2021.

“Ibig sabihin, daraan ito sa mga clinical trials. Importante po ay maging safe ito sa Pilipino,” dagdag ng senador.

Sa sandali aniyang matiyak na ligtas gamitin ang bakuna, ang mga mahihirap at “vulnerable sector” ang unang bibigyan.

“Kami naman ni Pangulong (Rodrigo) Duterte, kapag mayro’n nang vaccine na available at nadeklarang safe na po ito ay uunahin namin ang mga mahihirap at ‘yung mga vulnerable sector,” aniya.

Pero ani Go, huwag madaliin ang produksyon at ang availability ng COVID-19 vaccine dahil napakaimportante aniya na madeklara itong ligtas.

Pinayuhan ni Go ang mga mamamayan na huwag mainip dahil tinitiyak talaga na ligtas ang ila­labas na bakuna.

Show comments